Pasaol, bida sa kampeonato ng balanga sa 3X3 magiting cup

NAGING bayani si Alvin Pasaol para mabigay sa Wilkins Balanga ang kampeonato sa unang yugto ng Chooks To Go Pilipinas 3X3 Magiting Cup handog ng Coca-Cola Linggo ng hapon sa SM City Clark.
Inararo ni Pasaol ang mahigpit na depensa para sa pampanalong puntos kontra Phenom Basilan CTC Construction na may 40 segundo sa orasan, 21-20, at inuwi ang gantimpalang P100,000 kasama sina Chris Dechavez, Karl Dehesa at Leonard Santillan.
Ibinigay ni Davon Potts ang lamang sa Basilan sa pamamagitan ng dos, 20-19, at 1:25 ang nalalabi.
Bumalik si Santillan sa laro matapos masugatan sa kilay na may halos 4 na minuto sa orasan at pinasok niya ang buslong nagpatabla muli, 20-20, bago namayani si Pasaol.
Tinalo muna ng Balanga ang Uling Roasters Bulacan, 21-16, at Thunder Taguig, 21-15, sa elimination round. Madaling pinigil nila ang Zamboanga Valientes MLV sa quarterfinals, 21-9, at kinailangan ang milagrong dos ni Dechavez upang makalusot sa Equalivet Pasig sa semifinals, 22-20.





Comments