Naghuhukay ng lupa gusto ng instant yaman
- BULGAR
- Sep 1, 2019
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Lj Palana ng Lj_Palana@facebook. com
Dear Professor,
Puwede ba ninyo akong tulungan sa panaginip ko? Marami na akong napagtanungan pero, wala pa ring nakasasagot.
Ilang beses na akong nanaginip na may naghuhukay sa tuyong lupa na kulay brown. Magkakasunod na araw nang ganu’n ang panaginip ko.
Sana, masagot ninyo kung ano ang pahiwatig nito?
Salamat!
Naghihintay,
Lj Palana
Sa iyo, Lj Palana,
Maaaring may nakasagot sa tanong mo tungkol sa iyong panaginip, pero maaaring hindi mo nagustuhan ang kanilang kasagutan, as in, hindi ka nasiyahan.
Ito ang sagot ko sa iyo, puwedeng hindi mo rin magustuhan o baka mamangha ka pa at hindi makapaniwala.
Sa “may naghuhukay sa lupa”, ibig sabihin, hindi ikaw ang naghuhukay kundi ibang tao. Ito ay nagsasabing, may kakilala ka na gustong yumaman sa mabilis na paraan na parang ang kayamanan ay nakabaon sa lupa.
Eh, bakit kaya napanaginipan mo? Ito ay dahil ikaw din ay naniniwala na may nakabaon na yaman sa lupa. Maaaring sabihin na wala sa isip mo ang ganu’ng bagay, pero sinasabi sa iyo ng panaginip na kapag may nakausap ka na naghahanap ng kayamanan o treasure hunter, ikaw ay mabilis na mapaniniwala.
Mag-ingat ka dahil marami nang nabiktima ang mga nagpakilalang sila ay mga treasure hunter. Baka sa halip na yumaman ka o madagdagan ang yaman mo ay mabawasan pa ito at maghirap ka pa.
May isa pang hindi kapani-paniwala sa panaginip na tulad ng sa iyo na naghuhukay sa kulay brown na tuyong lupa. Ano kaya ‘yun?
May kakilala ka na may sakit at ang kanyang sakit ay hindi matukoy ng doktor, pero ang kanyang kagalingan ay nakasalalay sa kapritso ng tinatawag na “lamanlupa.” Gagaling kaya siya? Ang sagot ng panaginip mo ay oo.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comentários