Sa reklamong korupsiyon na fake news lang naman... MGA ABOGADO NG PAO, PUMIRMA NG PAGSUPORTA SA INYO

PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA

ANG daing ng mga biktima mula sa hukay ay maririnig sa pamamagitan ng mga buhay na kamag-anakan — nanay, tatay, ate, kuya, lola, lolo at iba pang nagmamahal na miyembro ng pamilya, gayundin, ang mga abogado ng bayan mula sa Public Attorney’s Office (PAO) kung saan ipinagkatiwala ng kanilang mga mahal sa buhay ang pakikipaglaban para sa kanilang mga kaso. Ngunit, paano kung ipinatatanggal nang walang batayan ang kanilang mga tagapagtanggol, lalo na ang Punong Manananggol Pambayan?
May mga bali-balita na ang inyong lingkod bilang Punong Manananggol Pambayan o Chief Public Attorney ay inirereklamo dahil umano sa korupsiyon na nagaganap sa PAO. May mga manananggol pambayan pa diumano na nagsagawa ng manifesto kaugnay dito, ngunit, matindi nilang pinabulaanan ang nasabing paninira. Mariin nilang sinabi na hindi sila papayag na gamitin ang kanilang pangalan sa kahina-hinalang balakin at pamamaraan upang maisulong ang pansariling interes ng naninira sa inyong lingkod.
Ang nasabing manifesto ay ginamit ng pribadong abogado sa kanyang walang basehang reklamo. Ito rin ay nagsilbing ugat ng fake news. Ang manifesto na ito ay walang pirma at kalakip na matibay na batayan, kumbaga, ito ay walang gulugod kaya hindi nito kayang tumayo at manindigan.
Ito ba ang pamantayan ng nasabing pribadong abogado na nag-aakusa sa legal at karapat-dapat na tanggaping ebidensiya sa hukuman? Sa kabilang banda, ang mga manipesto na isinagawa ng mga public attorney at karaniwang empleyado ng PAO ay pirmado — ang bawat pirma ay isinulat ng totoong kawani ng aming tanggapan na boluntaryo at marubdob na nagpapahayag ng suporta sa inyong lingkod.
Sa pirmadong manipesto ng mga kawani ng PAO, nakasaad ang mga sumusunod:
“Kami, na mga kawani ng Public Attorney’s Office ay nagpapatunay na walang nagaganap na korupsiyon o katiwalian sa aming tanggapan. Hindi kami naniniwala sa mga lumabas na balita sa diyaryo, telebisyon, radyo at internet na ang aming hepe na si Dra. Persida V. Rueda-Acosta ay sangkot diumano sa korupsiyon at katiwalian sa aming tanggapan. Ito ay isang fake news na hindi dapat bigyan ng pansin at paniwalaan. Kami ay patuloy na sumusuporta sa aming hepe at naniniwala sa kanyang kakayahan na mamuno sa aming tanggapan nang buong puso at katapatan at walang bahid ng korupsiyon at katiwalian. Dapat itigil na ang paggamit ng falsified manifestation. Itigil na ang paggamit sa pangalan ng PAO para lang mag-“character assassination”. Itigil na rin ang demolition job at black propaganda. Bilang tanda ng aming pagsuporta at patunay na walang nangyayaring anomalya, korupsiyon at katiwalian sa aming tanggapan, kami ay lumagda sa ibaba nito.
Sa isa pang manipesto, tahasang itinanggi ng mga abogado sa PAO-Central Office ang ipinaaako sa kanilang “anonymous manifestation” kung saan pinasususpinde diumano nila ang inyong lingkod bilang Chief Public Attorney. Anila, kahina-hinala ang mga pakana ng totoong pinagmulan ng kuwestiyunableng manifesto na nagsusulong ng personal na kadahilanan. Dagdag pa nila, ang intensiyon nito ay paninirang-puri o kaya ay “demolition job” sa PAO at sa pinangalanang opisyales dito upang mahadlangan ang kanilang pagganap sa kanilang mga tungkulin nang may buong kalayaan at naaayon sa mandato ng PAO na nakasaad sa Republic Act No. 9406.
Narito ang bahaging ito ng naturang manifesto ng mga abogado sa PAO-Central Office: “the undersigned public attorneys herein categorically deny the alleged subject anonymous manifestation that has become the subject of fake news. We did not write the subject manifestation, nay submitted the same to the Office of the Ombudsman. Obviously, the manifestation was fabricated by someone else; unscrupulous person/s who resort to shady schemes and strategies to advance their personal cause. As we perceive it, the malicious and derogatory statements contained therein are intended to malign the PAO and other named officials therein, and prevent them from independently performing their duties to render, free of charge, legal representation, assistance, and counselling to indigent persons in criminal, civil, labor, administrative and other quasi-judicial cases as mandated by Republic Act No. 9406, commonly known as the Public Attorney’s Office Law. It is a demolition job; an affront to the independence and integrity of the PAO.”
Dahil sa mga nabanggit, kanilang kinokondena ang gawaing ito ng mga desperadong tao sa paggamit ng kasinungalingan at panlilinlang. Anila, nakakaladkad ang mga inosente sa paninirang ito sa reputasyon ng PAO sa pamamagitan ng huwad na mga dokumento. Anila: “We hereby condemn the practice of desperate persons in employing deceit and dragging otherwise innocent persons in their devious plan to tarnish the reputation of the pao by using falsified documents.”
Nanawagan din sila sa media na tigilan na ang paggamit sa kanilang mga pangalan, service at division na kinabibilangan nila sa kontrobersiya na wala silang partisipasyon at kinalaman. Anila: “We also call on the media to refrain from dragging us, by reference to the name, service/division that we belong to, otherwise, into this controversy, where we have no participation nor authorship of the alleged anonymous manifestation.”
Hindi na kailangan pang sabihin sa media ang binabanggit ng naturang mga public attorney, pero hindi kasama ru’n ang minamahal at inirerespeto na paboritong pahayagan ng mga Pilipino — ang BULGAR, gayundin, ang mga responsableng manunulat at reporter sa tri-media at social media.
Hindi sila naghahatid ng mga balita lamang, sila ay nagbibigay ng kaliwanagan sa totoong mga kaganapan upang makatulong sa paghulma ng makatwirang opinyon ng sambayanan. Ito ay malaking karangalan para sa PAO, ang makasama sila sa patuloy naming laban para sa mga biktima ng Dengvaxia.
(Itutuloy)





Comments