Talosig, igot, tom at dula tig-5 gold sa batang pinoy
- BULGAR

- Aug 29, 2019
- 2 min read

DINAMBA ni John Alexander Talosig ng Cotabato Province ang kanyang ikalimang medalya, maging si Aubrey Tom ng Cainta, Rizal, Marc Dula ng Parañaque City sa Batang Pinoy National Finals swimming competition kahapon sa Ramon V. Mitra Sports Complex, Puerto Princesa City, Palawan.
Tumikada si Talosig ng 4:20.03 minuto upang ibulsa ang pang-5 gold medal sa boys 13-15 years old sa 400m freestyle at idagdag sa kanyang koleksiyon ng gintong medalya. Gintong medalya rin ang nakuha ni Talosig sa 200m, 400m individual medley events at 200m freestyle event at 1500m freestyle.
Kasunod nito ay nakopo rin ng 12-anyos na si Tom ang ika-5 ginto sa 50m freestyle sa 28.93 segundo.
Tatlong gintong medalya ang agad naibulsa ni Tom sa unang araw ng kompetisyon at nakuha ang ginto sa girls 200m IM (2:32.30), 100m freestyle (1:03.57) at sa 50m backstroke (33.35) at 50m fly (31.41) sa 2nd day.
Bukod kay Talosig, limang ginto rin ang iniuwi ni Dula, miyembro ng Susan Papa Swimming Academy. Beterano sa international competitions, kinumpleto ni Dula ang pagwalis sa limang event sa 1:08.11 minuto upang manguna sa boys 13-15 100m backstroke, habang naibulsa ni Tom, estudyante ng UP Integrated School, ang kanyang 5th gold sa 50-m freestyle.
‘‘I dedicate the gold medals to my coach Susan Papa. Without her, I cannot accomplished these things,’’ ani Dula. Si Papa, isang Asian Gamer at utak sa likod ng Philippine Swimming League, ay namatay ngayong taon dahil sa sakit na cancer.
Sa archery, limang ginto rin ang inasinta ng 14-anyos na si Igot Jr. ng Cebu City.
Namayani sa events na 40m, 50m at FITA nang maghari sa unang 20m at 30m na maaari pang madagdagan ng tatlo gayung may tatlo pa itong nakahanay na events na Olympic round, mixed at sa boys’ team.
“Sana po maipanalo ko pa ‘yung tatlo para po makapag-uwi ako ng 8 gold,” pahayag ni Igot.
Si Naina Dominique Tagle ng Dumaguete at nakababatang kapatid ng national team member na si Nicole Tagle ay nakaasinta rin ng ginto sa mga events na 40m, 50m at FITA para sa tatlong ginto at isang silver sa 20m sa archery. (MC)





Comments