top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Takot masuspinde, mga mayor, pakitang-gilas sa clearing operations

Writer: BULGAR
BULGAR
Aug 29, 2019
1 min read

NASA kalahati na ang 60-day ultimatum na ibinigay ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga alkalde sa Metro Manila para matapos ang clearing operations sa kani-kanilang lungsod.

Sa nasabing ‘challenge’, suspensiyon sa puwesto ang nakataya. Kaya kapansin-pansing dibdiban at kaliwa’t kanan ang operasyon ng lokal na pamahalaan. Tipong palaging naka-live si mayor, selfie rito, selfie ru’n, este, huli rito, huli ru’n, parang hindi na sila natutulog.

At sa pulong ng Metro Manila Council, may mga alkaldeng nag-ulat na nasa 80 hanggang 90 porsiyento na ng public roads ang kanilang nalinis.

Gayunman, may ibang lungsod na problema pa rin ang pagbabalik ng mga illegal vendor at parking lalo na kapag walang mga awtoridad na nakabantay.

Sabi nila, sa simula ay mahirap dahil may mga nasasakupan silang maaapektuhan at aaray pero, sa totoo lang, mas mahirap kung paano ito ipagpapatuloy. Hindi ito natatapos sa 60 araw o sa ilang taon kung hanggang kailan sila sa posisyon kundi dapat maunawaan na kailangan at dapat itong panatilihin, forever! Hindi basta challenge at walang deadline.

Bilang resulta, tayo rin naman ang makikinabang. Sino ba ang ayaw sa maluwag na kalsada, nadaraanang bangketa at maaliwalas na lansangan?

Gayunman, sa mga kabuhayang naapektuhan, ito naman ang gusto sana nating maunawaan ng mga opisyal, bigyan n’yo rin sila ng pagkakataong makapaghanapbuhay.

Aanhin naman natin ang malinis na kapaligiran kung may mga kumakalam ang sikmura at nanganganib na kumapit sa patalim para lang mabuhay.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page