DEL ROSARIO AT POSADAS-WONG SASALANG SA WORLD BOWLING

UNANG sasalang ang mga batikang lady bowlers ng Pilipinas na sina Liza Del Rosario at Lara Posadas- Wong kasama ang 88 iba pang manlalaro mula sa iba’t-ibang bansa bilang parte ng squad 1 sa bakbakang singles sa malupit na 2019 World Bowling Women’s Championships sa palaruan ng South Point Bowling Plaza sa Las Vegas, Nevada.
Puntirya nina Del Rosario at Posadas-Wong na makapasok sa top 4 ng kompetisyon para magkaroon ng tsansa sa gold medal. Sa squad 2 ay tatangkain ng mga kababayang sina Dyan Coronacion, Alexis Sy, Bea Hernandez at Rachelle Leon na makahakbang papunta sa semis tungo sa pagsusumikap na iangat sa medalboard ang Pilipinas.
Bukod sa singles, sasabak din sa mga susunod na araw ang mga kinatawang Pinay sa labanan sa doubles, trio, team of 5 at pangunahing event na masters. Sasandal ang pintopplers sa matikas na paggabay at suporta mula kina Bong Coo (team manager), Engelberto Rivera (coach) at Josephine Canare (coach).
Dala ng grupo nina Del Rosario at Posadas-Wong papunta sa prestihiyosong paligsahan na inoorganisa ng World Bowling ang kinang ng mga kampanya sa loob at labas ng Pilipinas. Si Posadas-Wong sa ngayon ang tumatrangko sa Asian Bowling Federation (ABF) Tour. Sariwa rin siya sa pagkopo ng korona ng pinakaunang kampeonato sa ABF Tour nang mapagwagian ang Hong Kong leg kamakailan. Naiposte rin ng 29-anyos na Pinay ang bridesmaid honors sa Hong Kong International Bowling Open at ang pagiging segunda sa Philippine Bowling Federation (PBF) International Championships.





Comments