top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

PASIG CHOOKS, LALARGA NA SA FIBA 3X3 CHINA

A. Servinio
Aug 23, 2019
2 min read

SASABAK ngayong Biyernes ang Pasig Chooks (Gold’s Gym Pasig) sa pagbubukas ng FIBA 3X3 Challenger sa Xiongan, Tsina. Sina Joshua Munzon, Dylan Ababou, Nikola Pavlovic at Troy Rike ang magsasanib-puwersa sa torneo upang makamit ang karapatan na tumuloy sa FIBA 3X3 World Tour Masters sa Los Angeles sa U.S. sa Setyembre 21.

Unang tatapak sa court ang Pasig sa ganap na alas-5:40 p.m. kontra Beijing. Babalik sila ng 9:10 p.m. laban sa qualifying rounder na pag-aagawan ng The Hague ng The Netherlands, Calgary ng Canada at Xiongan East ng Tsina.

Kung papalarin, ang knockout playoffs ay gaganapin bukas ng gabi.

Ilan sa mga nakikitang mahigpit na makasasagupa ng Pasig buhat sa ibang mga pangkat ng torneo ay ang Amsterdam ng The Netherlands, Ljubljana ng Slovenia, Vrbas ng Serbia at Humpolec Bernard ng Czech Republic.

Ang Pasig ay nasa 13th place sa 2019 FIBA 3X3 World Tour at kailangang maglaro muli sa isa o dalawa pang yugto upang makapasok sa 12 na sasali sa Grand Finals sa Utsunomiya, Japan sa Nobyembre 2.

Sa unang yugto ng taon noong Abril, sa Doha, Qatar lang sila nakasali kung saan nagtapos sila sa 5th place ng 12 koponan.

Ito ang pansamantalang pagbalik sa Pasig ni Rike matapos lumipat sa Phenom Basilan CTC Construction at naging malaking bahagi ng kanilang pagkampeon sa katatapos na Pilipinas 3X3 Patriot’s Cup.

Ayon sa patakaran ng FIBA 3X3 World Tour, isang manlalaro sa isang koponan lang ang puwedeng maglaro sa buong taon at si Rike ay unang nakasama ng Pasig sa Kunshan Challenger noong Mayo.

Pagkatapos ng Xiongan, lalahok ang Pasig sa Chooks-To-Go Manila Challenger sa Setyembre 7 at 8 sa SM City Fairview kasama ang iba pang koponang Pinoy na Balanga Chooks (Wilkins Balanga) at Isabela City Chooks (Phenom Basilan). Ilan sa mga banyagang team na tiyak na maglalaro ay ang Amsterdam at Humpolec Bernard na kasali sa Xiongan at Riga Ghetto ng Latvia.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page