top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Kahit pinababagsak si Chief Acosta... LABAN NG PAO SA DENGVAXIA, TULOY!

  • Daing Mula sa Hukay
  • Aug 23, 2019
  • 6 min read

PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA

BULGAR DAING MULA SA HUKAY... HUSTISYA

HABANG patuloy sa maigting na pakikipaglaban ang Public Attorney’s Office (PAO) para sa mga magulang ng mga biktima ng Dengvaxia upang makamit ang katarungan sa sinapit ng kanilang mga anak na namatay o kasalukuyang nararatay sa ospital o kanilang tahanan, tinatapunan ng kung anu-anong akusasyon ang inyong lingkod. Tila putik itong mga nais nilang itabon sa aking mukha at pangalan upang ako ay mabahiran at mailipat sa akin ang pansin ng sambayanan at mailayo ang atensiyon sa totoong isyu — ang malagim na sinapit ng mga biktima ng Dengvaxia dahil sa kapabayaan ng mga taong nasa likod nito.

Isa sa mga paratang na sa akin ay ipinapapasan ngayon ay ang akusasyon hinggil sa hindi matuwid na paggamit ng pondo ng aming tanggapan sa pagtataguyod sa kaso na may kinalaman sa nasabing bakuna. Sa diretsahang pananalita at walang patumanggang pagbibintang, ang inyong lingkod diumano ay naglulustay daw ng pondo.

Tahasan ko ring sinasabi na walang gahiblang katotohanan ang ipinupukol sa akin. Ang pondong ipinagkakatiwala sa amin ng sambayanan at ng pamahalaan sa pamamagitan ng Kongreso at Department of Budget and Management (DBM) ay aming pinagyayaman sa pamamagitan ng matapat at responsableng paggamit nito sa pagsulong ng mandato ng PAO.

Ito ay aming ginagamit kung saan ito ang inilaan ng batas, halimbawa, sa paglilingkod namin sa aming mga kliyente na may mga kasong kinakatawan namin sa korte. Dahil dito, sa kasaysayan ng pamamahala sa PAO ng inyong lingkod ay hindi nakararanas ng disallowance mula sa Commission on Audit (COA) ang aming tanggapan. Sa katunayan, sa certification na inisyu noong Abril 24, 2019 ni State Auditor Santiago R. Aquino, Jr., Audit Team Leader ng PAO, malinaw na nakasaad dito na walang notice of disallowance ang inyong lingkod. Nakasulat sa nasabing certification ang sumusunod:

“Dr. Persida V. Rueda-Acosta, DSD, Chief, Public Attorney’s Office, DOJ Agencies Building, NIA Rd. corner East Avenue, Quezon City, has no notice of disallowance as of April 24, 2019.”

Kaugnay nito, noong Hunyo 30, 2019, sa isang Statement of Audit na inisyu ni State Auditor Aquino, Jr., nakasulat na walang suspension o disallowance laban sa PAO at sa mga opisyal nito. Ang mga ito ay nagsisilbing matibay na ebidensiya sa kaayusan ng pamamahala sa PAO. “Manifestation” diumano na walang pangalan ng tao at walang pirma ang pinanggalingan ng akusasyon sa inyong lingkod, samantalang, ito ay nagmula sa pribadong abogado na inaasahang disipulo ng batas.

Kaalinsabay sa aming pagpapahalaga sa ebidensiya ang pagtalima sa batas at mga legal na direktiba sa amin. Ang maituturing na bibliya ng PAO sa pagganap namin sa aming mandato ay ang Republic Act (R.A.)No. 9406 o ang PAO Law. Nakasaad sa Section 3 nito ang mga sumusunod:

“SEC. 3. A new Section 14-A, is hereby inserted in Chapter 5, Title III, Book IV of Executive Order No. 292, otherwise known as the “Administrative Code of 1987”, to read as follows: “SEC. 14-A Powers and Functions. - The PAO shall independently discharge its mandate to render, free of charge, legal representation, assistance, and counselling to indigent persons in criminal, civil, labor, administrative and other quasi-judicial cases. In the exigency of the service, the PAO may be called upon by proper government authorithies to render such service to other persons, subject to existing laws, rules and regulations.''

Malinaw sa nabanggit na probisyon na sa apurahang pangangailangan ng mga biktima o isinasakdal, ang PAO ay maaaring tawagin ng angkop na awtoridad ng pamahalaan upang magbigay ng serbisyo sa ibang tao, batay sa umiiral na mga batas, patakaran at regulasyon. Ang mga salitang “other persons” ay tungkol sa mga maaaring maging kliyente ng PAO, maliban sa mga “indigent” na pangunahing kliyente ng aming tanggapan. Sa kaso na may kaugnayan sa Dengvaxia, ang butihing kalihim ng Department of Justice (DOJ) noon na si Secretary Vitaliano N. Aguirre II, ang awtoridad ng pamahalaan na tumalima sa pangangailangan ng mga magulang na apektado ng naturang trahedya ng Dengvaxia (under clinical trial phase 3 until November 2017). Nag-isyu si Secretary Aguirre ng Department Order No. 792 noong Disyembre 12, 2017 at sa pamamagitan nito ay nabigyan ng pahintulot ang PAO na magbigay ng libreng serbisyong-legal sa mga kasong sibil, kriminal at administratibo sa mga posibleng biktima ng mga kapinsalaan, karamdaman at kamatayan na may kaugnayan sa Dengvaxia.

Ang partikular na probisyon na nabanggit sa itaas ay nakasaad din sa Section 27 ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng R.A. 9406:

Section 27. Immediate Legal Service – In the exigency of the service, the PAO may be called upon by proper government authorities to render such service to other persons, subject to existing laws, rules and regulations.”

Sa IRR din ng R.A. No. 9406, nakasaad na sa Section 23 nito na ang Chief Public Attorney ay binibigyang-kapangyarihan na magpasimula at magpalaganap ng “amendments” tungkol sa “criteria” hinggil sa kung sino ang “indigent person” na kuwalipikadong makinabang sa mga libreng serbisyo ng PAO. Gayunman, nag-isyu si Secretary Aguirre ng Department Order No. 792. Sa direktibang ito, ang nakalagay na benepisaryo ng aming libreng serbisyong- legal ay “all possible victims of Dengvaxia related injuries, illnesses and deaths.” Hindi nakalagay na mga maralita lamang, ngunit, halos lahat sa aming kliyente sa nabanggit na kaso ay maituturing talagang mga “indigent”. Kaya walang kakayahan ang mga ito na maibigay sa kanilang mga anak ang mga bagay na pampatibay ng kanilang immune system, gayundin, ang mga kailangan nilang pagsusuri at iba pang tulong-medikal para sa kanilang pangangailangan at/o mahabang gamutan.

Maaalalang nakasaad din sa direktibang inisyu ni Secretary Aguirre na awtorisado ang PAO na magbigay ng libreng tulong sa mga posibleng biktima ng kamatayan (deaths, injuries and illnesses) na may kaugnayan sa Dengvaxia. Dahil dito, (alinsunod din sa nabanggit na kapangyarihan ng Chief Public Attorney sa Section 23 ng IRR ng R.A. No. 9406), ang pagtalima ng PAO Forensic Team (PAOFT) sa mga kahilingan ng mga magulang ng mga biktima ng trahedya kaugnay sa nasabing bakuna ay naaayon sa mga instrumentong legal. Sa kabila ng legalidad at integridad na nakapaloob sa bawat pagkilos ng PAOFT, pinupukol din ang grupo ng masasakit na salita, lalo na ang director nito na si Atty. Erwin P. Erfe, M.D. Si Dr. Erfe ay Medico-Legal Consultant sa loob ng 23 taon at director ng PAO Forensic Laboratory sa halos 15 taon sa bisa ng authority ng Department of Budget and Management noong 2004 at 2005 — nakapagsuri at nakapagsagawa ng autopsy sa libu-libong mga kaso at kinilala sa mga korte bilang expert witness sa nasabing mga kaso sa kanyang propesyon na umaabot na sa 23 taon. Dahil sa lawak ng kanyang karanasan, teknikal na kasanayan at kaalaman, hindi mapasusubalian ang kanyang kakayahan at karapatan na kilalaning expert sa kanyang propesyon.

Si Dr. Erfe ay nagsanay sa Estados Unidos sa iba’t ibang sangay ng propesyon na may kaugnayan sa batas, medisina at forensic science tulad ng criminal investigation, child death investigation sa Virginia Office of the Chief Medical Examiner, (forensic medicine, forensic science, bloodstain pattern analysis, crime scene investigation, crime scene reconsuction, fire scene investigation, forensic anthropology, taphonomy, human remains and human body decomposition, forensic photography sa kilalang forensic institutions) — ang New York Laboratory Forensic Science, Anthropological Research Facility, William M. Bass Forensic Anthropology Center, University of Tennessee Department of Anthropology, Virginia Institute of Forensic Science and Medicine at Evidence Photographers International Council. Kasalukuyang tinatapos niya ang kanyang thesis para sa kanyang Master of Law (LLM) sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila Graduate School of Law (PLM GSL). Sa kabila ng hindi matatawarang credentials ni Dr. Erfe, ang parehong abogado na umaakusa nang walang basehan sa inyong lingkod ay siya ring nangmamaliit hindi lamang sa naturang doktor kundi maging sa mga iginagalang na institusyon na nagbigay sa kanya ng pagsasanay at nagbahagi ng kaalaman.

Tulad ng nabanggit nating mga direktiba, patibay sa pagiging expert ni Dr. Erfe, ang mga humiling din ng aming lingkod ay may kaakibat na ebidensiya. Ang aming mga kliyente sa nabanggit na kaso ay may mga mukha at totoong pangalan.

Marami sa kanila ang inilapit sa amin ng mga grupong may mukha rin at totoong pangalan tulad ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) at Samahan ng Mga Magulang, Anak ay Biktima ng Dengvaxia (SMABD) at indibidwal na kilala sa larangan ng Broadcast Journalism, si Dominic Almelor na Senior Reporter ng ABS-CBN.

Sa gitna ng unos na aming sinasagupa ngayon, nananatili ang aming dedikasyon na makamit ang hustisya para sa mga biktimang may kaugnayan sa kaso ng Dengvaxia. Ang bawat paramdam ng aming mga yumaong kliyente ay tila mensahe na kami ay may mga kakampi hindi lamang sa mundo ng mga buhay kundi maging sa kabilang buhay. (Itutuloy)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page