STAGS AT ALTAS, MABANGIS SA KNIGHTS AT GENERALS

KINAILANGAN ng San Sebastian College ang overtime upang patumbahin ang Colegio de San Juan de Letran, 102-101, sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa FilOil Flying V Centre. Ipinasok ni Ken Villapando ang nagpanalong 2 puntos sa mga huling segundo ng overtime upang maipantay ng Stags ang kartada sa 3-3 panalo-talo.
Kahit lamang at kontrolado ng Stags ang laro, humabol ang Letran sa likod ng 15 puntos ni Larry Muyang sa 4th quarter. Natapos ang apat na quarter sa 91-91 at lumaki ang problema ng San Sebastian dahil anim sa kanilang manlalaro ang isa-isang nawala dahil sa tig-5 fouls.
Isa sa anim ay si RK Ilagan na nagpasabog ng 22 puntos at 7 assists bago umalis. Sinundan siya ni Allyn Bulanadi na may 21 puntos at apat na rebounds. Si assistant coach Carmelo Banua ang pansamantalang humawak sa Stags kapalit ng suspendidong si Coach Edgar Macaraya. Namuno si Muyang para sa Knights na may 32 puntos at 18 rebounds subalit, nasayang ito at dalawang sunod na ang pagkabigo ng kanilang koponan para sa kartadang 5-3. Nag-ambag naman ng 21 puntos si Jerrick Balanza.
Sa pangalawang laro, kumapit nang husto ang University of Perpetual Help System-Dalta sa huling minuto upang lampasan ang hamon ng Emilio Aguinaldo College, 88-87.
Nagtayo ng sapat na lamang ang Altas. Isang tres na galing kay CJ Cadua ng EAC sa huling mga segundo ang nagtakda ng huling talaan.





Comments