MGA MANUNUDLA, PRAKTIS MUNA BAGO ANG PANGARAP NA MEDALYA
- Gerard Arce
- Aug 21, 2019
- 1 min read

WALA pang malinaw na target ang koponan ng Philippine National Archery kung ilang gintong medalya ang papanain sa nalalapit na Southeast Asian Games sa bansa ngayong taon.
Tuluy-tuloy pa rin ang pag-eensayo at preparasyon ng pambansang koponan ng archery na bubuuin umano ng pinaghalong bata at beteranong mamamana sa pamumuno nina 2017 Kuala Lumpur Games bronze medalist Paul Marton De La Cruz at 2000 Summer Olympics competitor at SEA Games gold medalist Jennifer Dy Chan.
Ayon kay coach Clint Sayo, wala pang kasiguruhan kung ilan at kung anong medalya ang maiaambag ng kanyang koponan sa National Team sa pagsambulat ng SEA Games simula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
“Kami rin po, as much as possible, we will do have a good result, as of now, I assure you that we can win medals, but when it comes to classification, whether golds silver or bronze, siguro ‘di ko muna sasabihin,” sambit ni Sayo kahapon sa lingguhang PSA Forum sa Amelie Hotel sa Manila.
Galing ang koponang Philippine National Archery sa 2019 Asia Cup series sa Taipei, Taiwan noong Agosto 1-7 kung saan tumirada sila ng tig-isang pilak at tansong medalya sa Team Events na pinamunuan nina Chan, Rachelle Dela Cruz at Andrea Robles sa women’s team habang sina De La Cruz, Andrei Johan Olano at Arnold Rojas sa men’s team, ayon sa pagkakasunod.





Comments