Mga Pinoy, atat bumoto kahit hindi sure ang Bgy. at SK Elections
- BULGAR

- Aug 19, 2019
- 1 min read

SA kabila ng isinusulong na ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, marami pa rin ang nagpaparehistro.
Ayon sa Commission on Elections (Comelec), may kabuuang 269,087 ang nagparehistro sa buong bansa mula nang simulan ito noong Agosto 1.
Sa nasabing bilang, 159,126 ang mga bagong aplikante habang 36,649 naman ay mga aplikante na may edad mula 15 hanggang 17 at 122,477 ay mga may edad 18 pataas.
Kaugnay nito, pinakamaraming nagpatala ay mula sa Region IV-A na may 43,777 habang sa Region I ang may pinakamaraming bilang ng SK registrants na may 5,880 aplikante.
Mas mataas pa rin ang bilang ng mga kababaihan na nagpatala na 144,202 kumpara sa kalalakihan na 124,885.
Matatandaang, binuksan ang voters registration para sa Bgy. at SK Elections sa Mayo 11, 2020.
Nakakatuwa na unti-unti nang nababago ang isa sa mga kinagawian nating mga Pinoy, ang palaging ‘last minute’. Kung kelan huling araw saka hahabol, makikipagsiksikan, sisingit hanggang sa mauwi sa gulo.
Una nang ikinabahala na baka walang magparehistro dahil nga sa inihihirit na huwag munang ituloy ang halalan next year, sa halip ay gawin na lang sa Oktubre, 2022. Ito ay upang bigyan ng pagkakataon ang mga kasalukuyang opisyal na halos kauupo lang, para matapos ang kanilang mga programa at proyekto.
Kung maaprubahan man ito o hindi, mas okay nang nakapagparehistro para wala na tayong iisipin sakaling matuloy ang halalan, next year. Kaya magsadya na sa mga tanggapan ng Comelec at hanggang Setyembre 30 ay puwedeng magparehistro.





Comments