GM ANTONIO, MALAPIT NA SA TITULO NG DATO CHESS

DALAWANG rounds na lang ang naghihiwalay kay Pinoy Grandmaster Rogelio Antonio Jr. at sa titulo ng 10th IGB Dato Tan Chin Nam International Seniors Chess Open Championships sa Dato Arthur Tan Chess Center ng Kuala Lumpur, Malaysia.
Kasalukuyang hawak ni Antonio, 57-anyos na dating Philippine chess king, ang solong liderato dahil sa naipong lima at kalahating puntos mula sa 7 salang sa board.
Mga panalo laban kina Kiwi Candidate Master Hilton Bennett, FIDE Master Maksum Firdaus ng Indonesia at kapwa Pinoy Stewart Manaog, gayundin ang mga tabla kontra kina GM Alexander Forminyh (Russia), GM Jayson Gonzales (Pilipinas) at International Master Tirto (Indonesia) ang naging tuntungan niya sa unahan ng pulutong.
Dalawang pambato ng Indonesia ang nakaluklok sa 2nd at 3rd place bitbit ang kartadang 5 puntos sa likod ni World Seniors Chess Championships- bound na si Antonio. Ito’y sina Firdaus at Tirto.
Samantala, sa Dato Arthur Tan Malaysian Open Chess Championships, dalawang untitled chessers ng bansa ang nakapasok sa top 10 at ngayon ay may tsansa nang mapabilang sa mga podium finishers ng paligsahan.
Hiniya ni Jeth Romy Morado (25th seed) si GM Darwin Laylo habang tumiklop si FM Mohammad Ervan ng Indonesia kay Emmanuel Emperado (31st seed), anak ni dating national women’s team mainstay Mila, upang mapabilang sila sa mga 5.0 pointers.





Comments