Hirit ng DOH, bawal sa ‘di pa nagka-dengue, pero... BATANG NA-DENGUE NA, NAMATAY PA RIN NANG BAKUNAH
- Daing Mula sa Hukay
- Aug 16, 2019
- 5 min read

PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA

KARAMIHAN sa mga yumao nang biktima ng Dengvaxia ay naging bayolente at nagsalita ng kung anu-ano bago sila binawian ng buhay. Sa hindi malamang dahilan, nakaramdam din sila ng mainit na pakiramdam sa katawan kaya ilang ulit silang naliligo noong sila ay nabubuhay pa at lumaban sa iba’t ibang karamdaman.
Ang kaganapang ito ay dapat na maging giya sa pagpapasimula ng pagsasaliksik kung anu-ano ang maaaring gawin upang mailigtas sa peligro ang mga naturukan ng Dengvaxia. Nakalulungkot isipin na sa halip na ito ang pag-ukulan ng pansin, may ilan sa mga responsableng tao na nasa likod ng nalikhang peligro ang pilit na ibinabalik ito.
Kabilang si Charish Debutac sa mga nagkaroon ng mga nabanggit na sintomas bago siya pumanaw. Si Charish, 11-anyos ay namatay noong Mayo 16, 2018 sa ospital sa Cebu. Naturukan siya ng Dengvaxia noong Agosto 4, 2017 sa health center sa Cebu. Siya ang pang-isandaan at apatnapu’t apat (144) sa mga naturukan ng Dengvaxia. Nakaranas siya ng sintomas at common pattern of 4 serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism, neurotropism & increase in severity of dengue disease) na consistent sa Sanofi declaration of 4 identified and expected risks in its submission for authorization sa Food and Drug Administration (FDA) noong Disyembre 22, 2015 at namatay na sumailalim sa forensic examination ng Public Attorney’s Office (PAO) Forensic Team, pagkatapos hilingin ng pamilya ang serbisyo namin para sa pumanaw na biktima. Binibigyan din sila ng kailangan nilang libreng serbisyo-legal ng aming tanggapan sa pangunguna ng inyong lingkod bilang kaukulang aksiyon sa idinudulog nilang kahilingan.

Noong Agosto 4, 2017, pinuntahan ang pamilya ni Charish sa kanilang bahay ng mga health worker ng kanilang barangay. Sinabihan sila na may isasagawang pagtuturok ng Dengvaxia para sa mga bata sa kanilang health center. Ayon sa mga barangay health worker ay proyekto ng Department of Health (DOH) ang nasabing pagbabakuna at ito ay libreng ibibigay.
Dagdag pa nila, kapag sa labas nagpaturok ng nasabing bakuna, may kamahalan ito. Dahil dito ay nakumbinse sina G. Alejandro at Gng. Jacqueline Debutac na pabakunahan si Charish, gayundin, dahil takot na silang magka-dengue ang kanilang anak sapagkat ang kuya niyang si Jhondro Debutac ay na-dengue na rin dati. Noong mismong araw na ‘yun ay binakunahan ng Dengvaxia si Charish. Matapos maturukan, naging maayos ang kanyang kalagayan. Subalit, noong Disyembre 2017, nagreklamo ng pananakit ng tiyan at ulo si Charish. Ito ay naging pabalik-balik sa mga sumunod na araw. Dahil du’n, hindi siya nakakakain nang maayos at siya ay dumurumi. Nawawala ang pananakit ng kanyang tiyan sa tuwing siya ay dumurumi. Samantala, ang pananakit ng kanyang ulo ay nawawala sa tuwing umiinom siya ng paracetamol.
Nagpatuloy ito hanggang noong Abril 2018, madalas nang makaramdam si Charish na mainit ang kanyang katawan kaya siya ay naliligo noon nang tatlong beses sa isang araw. Hindi siya naipatingnan sa doktor ng kanyang mga magulang dahil anila ay ayaw ni Charish. Noong umaga ng Mayo 11, 2018 ay naligo sa dagat si Charish. Pagsapit ng gabi, nagreklamo siya ng pananakit ng ulo at may lagnat din. Matapos painumin ng paracetamol ay umayos naman ang kalagayan niya. Ngunit, noong Mayo 12, 2018, muling bumalik ang pananakit ng kanyang ulo at lagnat. Sumakit din ang kanyang baywang at hita.
Kinabukasan (Mayo 13), ipatitingin sana siya ng kanyang mga magulang sa doktor, pero ayon kay Charish, baka napilayan lang siya. Nang tanungin ng mga magulang kung bakit siya napilayan, ikinuwento ni Charish na noong naligo siya sa dagat at tumalon mula sa tulay ay hindi naging maganda ang kanyang pagbagsak dahil mababaw diumano ang tubig nito.
Noong Mayo 14, 2018, hindi nabawasan ang pananakit ng baywang ni Charish at nagpatuloy ito hanggang kinabukasan. Sumakit na ang ulo niya at bumilis ang paghinga. Dinala siya sa ospital sa Cebu at sinabihan ng kanyang mga magulang ang ospital na nabakunahan si Charish ng Dengvaxia at kaagad siyang inilipat sa ibang ospital.
Dinala siya sa trauma center at isinailalim sa ultrasound ang bahagi ng kanyang tiyan dahil inirereklamo niyang masakit ito. Base sa resulta ng ultrasound, maayos naman ang kalagayan niya.
Ngunit, bagama’t ito ang sinabi ng doktor tungkol sa sitwasyon ni Charish, nakagigitla at nakapanlulumo ang naganap sa kanya noong Mayo 16, 2018. Narito ang bahagi ng salaysay ng kanyang mga magulang hinggil dito:
“Noong umaga ng ika-16 ng Mayo 2018 ay may lagnat ang aming anak. Siya ay isinailalim sa x-ray at base sa resulta nito ay may nakita umanong puti sa baga niya. Sumunod na araw ay naging bayolente na ang aming anak. Itinali pa siya noon dahil sa pagwawala niya. Pagkatapos ay isinailalim siya sa CT-scan at base sa resulta ay namamaga ang utak ni Charish.
Matapos siyang magwala ay nawalan siya ng malay at in-intubate. Hirap huminga noon ang aming anak. Mga bandang alas-tres (3:00) ng hapon ay nag-agaw-buhay ang aming anak hanggang sa siya ay tuluyan nang bumigay at pumanaw. Dahil hindi alam ng doktor ang sanhi ng pagkamatay niya ay iminungkahi na i-autopsy siya, pero hindi kami pumayag.”
Sa pagpanaw ni Charish, may mga hindi natuldukang isyu at tanong na hindi pa nasasagot hanggang ngayon hinggil sa dahilan ng kanyang kamatayan. Nananatili ang mga ito na nakalutang sa hangin, kaya marahil ay patuloy din ang pagpaparamdam ni Charish.
Narito ang mga ipinupuntong isyu ng kanyang mga magulang na binibitawan nila nang buo ang kalooban at lohikang hindi maikakaila:
“Sa pagkamatay ng aming anak kaugnay sa Dengvaxia, nakatanggap kami ng pera sa halagang limampung libong piso (Php50,000). Ayon sa taong nag-abot sa akin, tulong-pinansiyal ito galing sa opisina ni Pangulong Rodrigo Duterte. Hindi nagpakilala sa akin ang nasabing tao at hindi ko rin nalaman ang kanyang pagkakakilanlan. Matapos kong matanggap ang pera ay pinapirma niya ako sa papel. Ang sabi pa niya ay may mga ibang tao pa siyang pagbibigyan ng nasabing tulong-pinansiyal. Subalit, nagduda kami na ang nasabing halaga ay tulong-pinansiyal sapagkat kinuha ng DOH mula sa amin ang lahat ng dokumentong orihinal na may kinalaman sa pagkakabakuna niya ng Dengvaxia bago nila ibinigay sa amin ang nasabing halaga.
“Noong na-confine ang aming anak sa ospital bago siya pumanaw ay isinailalim siya sa iba’t ibang pagsusuri. Isa rito ang blood test at base sa naging resulta ng nasabing pagsusuri ay minsan nang nagka-dengue infection ang aming anak. Ito ay bago siya mabakunahan ng Dengvaxia. Ito rin ay lingid sa aming kaalaman dahil hindi naman siya naospital noong panahong ‘yun.
Kung ang dengue infection ng aming anak ay gumaling nang hindi siya kinailangang dalhin sa ospital, bakit ang sinasabi nilang bakuna na dapat ay magbibigay sa kanya ng proteksiyon laban sa dengue ang siya pang dagliang kumitil sa kanyang buhay? Kaya hindi namin pinaniniwalaan ang sinasabi nilang sakit ang sanhi ng pagpanaw ng aming anak.”
Maaalalang tumanggi ang mga magulang ni Charish na isailalim siya sa autopsy. Sa PAO Forensic Team nila ipinagkatiwala ang pagsusuring ito sa labi ng kanilang anak. Hiniling din ng mag-asawang Alejandro at Jacqueline sa aming tanggapan at sa inyong lingkod na sampahan ng kaukulang kasong sibil, kriminal at administratibo ang mga taong responsable sa pagkamatay ni Charish.
Ito ay maluwag sa puso naming tinanggap dahil kami ay tumatalima sa tawag ng aming tungkulin at mapagpahalaga sa naririnig naming mga daing. Pagkakataon din ito para sa amin upang tuklasin ang ipinagtapat ng mga magulang ni Charish hinggil sa tulong-pinansiyal. Marahil ay may nagnanais na gumamit at sumira sa ama ng ating bansa dahil ang pagkakakilala ko sa kanya ay taong tumutulong nang walang kapalit at kakampi ng mga nasadlak sa sakit at pait.
(Itutuloy)





Comments