NEXT PLAYOFF ROUND, TARGET NG TIP ENGINEERS VS. MAMBA


MAKASUNGKIT ng playoff slot ang tatangkain ng Technological Institute of the Philippines sa muli nitong pagsalang ngayong hapon sa 2019 PBA D-League Foundation Cup kontra sa baguhang Black Mamba sa Ynares Sports Arena sa Pasig. May hawak na markang 3-1, panalo-talo, kung magwawagi ang Engineers ay tiyak nang pasok sila sa susunod na round.
“We’re already looking ahead. Right now 3-1 kami, so I think we have one foot in the door already sa playoffs. We want to prepare for the playoffs already as early as now,” pahayag ni TIP coach Potit De Vera. Inaasahang muling mamumuno para sa TIP sina Senegalese big man Papa Ndiaye, Bryan Santos, at Ivan Santos gaya ng ginawa nila noong nakaraang linggo nang ibalik nila sa winning track ang koponan sa pamamagitan ng 35 puntos na paggapi sa Italiano’s Homme, 133-98.
Ngunit, tiyak na ‘di sila basta-basta pagbibigyan ng Energy Drink na hangad na masundan ang naitalang 86-82 panalo kontra Alberei sa una nilang laban. At batid ni Black Mamba coach Vis Valencia ang bigat ng hamong haharapin nila sa unang laro ngayong 1:30 p.m.
“They’re younger, they’re faster. We just have to match up ‘yung energy ng TIP. They’re a young team, they’re running, so we have to prepare for that,” ani Valencia na sasandigan sina Dahrell Caranguian, Clark Derige at John Tayongtong upang pamunuan ang koponan Sa iba pang mga laro, target ng Centro Escolar University ang solong pamumuno sa Group A sa pagtutuos nila ng AMA Online Education ng 3:30 p.m. habang back-to-back win ang hangad ng iWalk sa pagsagupa sa hindi pa nananalong Nailtalk-St. Dominic Savio (0-3) sa ganap na 5:30 p.m. (VA)





Comments