DE LUNA AT ORCULLO, PODIUMER SA LAS VEGAS OPEN 10-BALL
- Eddie M. Paez Jr.
- Aug 15, 2019
- 1 min read

MULING ipinaramdam ng Pilipinas ang lakas nito sa larangan ng pagtumbok matapos iposte nina Dennis “Robocop” Orcullo at Jeffrey “The Bull” De Luna ang isang 2-3 na pagtatapos sa 2019 U.S. Open 10-Ball Championship sa palaruan ng Griff’s sa Las Vegas, Nevada.
Kinasangkapan ni Orcullo ang magkakasunod na mga panalo laban kina Jimmy Henry (USA, 9-4), John Morra (Canada, 9-5), Yu Hsuan “Kevin” Cheng (Taiwan, 9-3), De Luna (9-8) at Marco Teutscher (Netherlands, 9-6) para makarating sa hotseat at maging topnotcher sa winners’ bracket.
Mula sa loser’s bracket, umahon ang Dutch na si Teutscher para makaharap ang Pinoy sa finals. Dito na kinapos ang 2019 Derby City Classic Master of the Table 3rd placer na si Orcullo, 9-11, kaya pumangalawa siya sa paligsahan.
Mga tagumpay sa winners’ side kontra kina Brandon Shuff (USA, 9-7), Ruslan “Siberian Express” Chinahov (Russia, 9-7) at Danny Olson (USA, 9-3) gayundin ang pangingibabaw sa one-loss bracket laban kina Shane “South Dakota Kid” Van Boening (USA, 9-6) at Thorsten “The Hitman” Hohmann (Germany, 9-7) ang naging susi ni De Luna sa paghablot ng huling upuan sa podium ng kaganapang isinaayos ng Cue Sports International (CSI).
Halagang USD 6,500 ang naging pabuya ng tubong Surigao na si Orcullo, siya ring 2011 World 8-Ball king, sa pagiging segunda habang si De Luna naman, katulong ni Carlo “The Black Tiger” Biado sa pagbibigay sa Pilipinas ng runner-up honors sa prestihiyosong 2019 World Cup of Pool sa Leicester, England, ay nagbulsa ng USD 3,800. Susunod na sasabak ang mga Pinoy na cue artists sa 2019 U.S. Open 8-Ball Championship na gaganapin sa Las Vegas pa rin.





Comments