SINO ANG TODO-GANADO AT SINO ANG KAKALAWANGIN?

KAKABIGING muli ng College of Saint Benilde ang kanilang ika-limang sunod na panalo sa pagpapatuloy ng 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) ngayong Martes sa FilOil Flying V Centre laban sa season host Arellano University simula 4:00 p.m. Bago noon, papasok nang todo-ganado ang Mapua University sa pagharap nila sa Emilio Aguinaldo College sa pambungad ng 2 p.m.
Parehong may taglay na kartadang 1-5 panalo-talo ang EAC, Mapua at Arellano kaya napakahalagang makamit ang pangalawang panalo para hindi masyadong mabaon sa palapit na pagtatapos ng unang round ng elimination. Samantala, gustung-gusto na ng CSB na makatapak sa korte matapos ipagpaliban ng pamunuan ng NCAA ang tatlo nilang laro dahil sa sama ng panahon buhat pa noong Hulyo 30. Naitala ng Mapua Cardinals ang kanilang unang tagumpay ng taon matapos talunin ang Arellano noong nakaraang Sabado sa Cuneta Astrodome, 73-64. Nagpakitang-gilas si Laurenz Paul Victoria sa pagbuhos ng mahalagang puntos sa huling minuto at malaki ang itinulong ng depensa para maputol ang kanilang limang sunud-sunod na pagkatalo.
Nanguna sa lahat si Victoria na may 29 puntos, 8 rebounds at 3 assists sa loob ng 28 minuto ng aksyon at sinundan siya ni Paolo Hernandez na may 14 puntos at 7 rebounds. Aasahang muli ang dalawang bumuhat sa Cardinals kasama sina Warren Bonifacio, Noah Lugo at Arvin Gamboa.
Tatapatan sila nina Jethro Mendoza, Marwin Taywan at John Paul Maguliano ng EAC ngunit, kailangan pa ring magpakita ng iba nilang mga kakampi. Apat na ang sunud-sunod na talo ng Generals matapos nilang gulatin ang Lyceum of the Philippines University, 84-82, noong Hulyo 12. Malaking hamon para sa CSB na alisin ang kalawang buhat sa hindi inaasahang 13 araw na bakasyon. Si Jimboy Pasturan ang mangunguna sa Blazers at umaasa ang koponan sa lubusang paggaling ng mga pilay nina Justin Gutang, Clement Leutcheu at Yankie Haruna.
Sa panig ng Chiefs, kinapos lang sila sa Cardinals noong Sabado kahit maganda ang laro nina Archie Concepcion at Rence Alcoriza. Kailangang bumawi nina Kent Salado at Justin Arana para masundan ang nag-iisa nila panalo kontra sa EAC, 86-77, noong Hulyo 26.





Comments