CONGO, GINULAT ANG GILAS SA 2ND MATCH NG POCKET TOURNEY


NATIKMAN ng Gilas Pilipinas Men ang kauna-unahang pagkatalo sa Spain training camp nang resbakan sila ng Congo, 82-71 sa ikalawa nilang laro sa Jose M. Martin Carpena sa Torneo de Malaga, Biyernes ng gabi. Nasayang ang 21-puntos ni Rookie Robert Bolick at 6 na rebound performance upang pamunuan ang Pilipinas habang si Andray Blatche ay tumapos ng 15 puntos, 8 rebounds at 5 assists.
Matapos ang blowout loss sa kamay ng Pilipinas, tatlong araw ang nakaraan, tila nagising ang Congo at pumukpok nang husto sa laro. Sinikap nilang makadikit sa 33-32 iskor sa halftime break. Nagawang pigilan ng Congo ang pananalasa ng Pinoy sa depensa at umarangkada sa 58-55 na bentahe bago matapos ang peryodo.
Nagmintis din ang lahat ng tangkang tres ng Pilipinas kaya umalagwa ang Congo, 10-1 sa fourth quarter at sumunggab ng 76-61 na kalamangan sa nalalabing 2:54 minuto ng laro. Tila hindi makahabol ang Gilas sa Congo sa bisa ng tikas nina Ron Mvouika at Ruphin Kayembe para sa 37 puntos na panalo. (MC)





Comments