NATIONAL ACADEMY OF SPORTS FOR HS, IKAKASA
- Gerard Arce
- Aug 10, 2019
- 1 min read

NAKATAKDANG pulungin ang ilang may kinalaman sa pagtatatag ng batas na magbibigay-halaga sa pagpapaunlad ng kahusayan at abilidad ng bawat manlalarong kabataan sa high school.
Uupuan nina Senador Christopher Lawrence “Bong” Go, Philippine Sports Commission (PSC) Chairman at Southeast Asian Games (SEAG) Chef de Mission William “Butch” Ramirez at Bases Conversion and Development Authority (BCDA) president at CEO Vince Dizon ang pagsasagawa ng National Academy of Sports for High School o Senate Bill No. 397.
“Our intention is to create a Senate Bill concerning on having a premiere training center to develop the athletic skills and talents of high school students,” wika ni Sen. Go, na siya ring chairman ng Committee on Sports sa Senado.
Suportado umano ni Dizon ang naturang batas na maaaring maging daan para bigyan ng inspirasyon at patuloy na magbunga ng tagumpay sa pagpapalago ng pampalakasan sa bansa.
Idinagdag pa niyang magandang ilagak ang mga atleta sa New Clark City sa Capas, Tarlac.
Isa ang New Clark City sa mga pangunahing proyekto ng Duterte administration na magsisilbing tahanan ng mga atletang pambansa upang magamit sa 30th edition ng Southeast Asian Games (SEAG) sa bansa simula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
Matatagpuan din dito ang 20,000-seater na Athletics Stadium at Aquatics Center na 90 posiyento nang matatapos at inaasahang mabubuksan sa Setyembre upang gamiting training center ng mga national athletes.





Comments