BULACAN, DAVAO AT ZAMBOANGA, MATIBAY AT RESBAKERS SA MPBL
- BULGAR

- Aug 10, 2019
- 1 min read

HINDI pinaporma ng Bulacan ang Valenzuela, 97-79 sa sariling balwarte ng una at pumoste ng back-to-back wins sa MPBL Lakan Season sa Bulacan Capitol Gymnasium kamakalawa ng gabi.
Nakagawa ang Kuyas ng double-digit production mula sa anim na players upang bigyan ang Classic ng malakas na laro at pag-ibayuhin sa 5-4 ang win-loss record.
Bumanat si Jun Bonsubre ng double-double performance, tumapos ng 12 puntos at 11 rebounds na pinatatag ang laro nang lumipat sa Kuyas mula sa Mandaluyong El Tigre sa simula pa lang ng season.
Nakapagmarka si Dan Sara ng 11 puntos at 9 assists. Apat na iba pang players ang pumoste ng twin digits na sina JR Alabanza (11), Jess Diputado (11), Jovit Dela Cruz (10) at Jhan McHale Nermal (10).
Umariba rin sa parehong panalo ang Davao Occidental Tigers at Zamboanga-Family’s Brand Sardines.
Ang Cocolife-backed Tigers ay nagtarak ng ika-5 sunod na panalo nang halibasin ang Navotas Clutch, 94-74.
Sa pagkuha ng 7th game sa walong laro, napagtibay ng Tigers ang kapit sa solong liderato ng southern division ng torneo.
Ipinahiya naman ng Zamboanga ang walang talong Soccsksargen, 100-75 para sa ika-5 panalo sa 9 na laro. Ito ang malaking pagbawi sa panalo ng Zamboanga na galing sa pagkatalo sa Bacolod. (MC)





Comments