BIKTIMA RIN NG GILAS SA TUNE-UP ANG IVORY COAST
- VA / Alvin Olivar
- Aug 9, 2019
- 1 min read

DALAWANG panalo na ang nakuha ng Gilas Pilipinas sa kanilang tune-up games sa Guadalajara, Spain.
Kahapon ay tinalo ng Gilas Pilipinas ang mas malalaki at matatangkad na Ivory Coast, 94-83 sa ikalawa nilang tune-up game sa Palacio Multiusos de Guadalajara bilang paghahanda ng koponan para sa FIBA Basketball World Cup. Nauna nang nagwagi ang Gilas Pilipinas kontra Congo, 102-80, ilang araw matapos dumating sa Spain para sa kanilang training camp. Nanguna si naturalized player Andray Blatche sa parehong laro matapos mag-ambag ng 18 points, 7 rebounds, at 2 steals para sa koponan sa kanilang laro kontra sa Ivory Coast. Gumawa ng 25 points si Blatche sa laro kontra sa Congo.
Nauwi sa 9-man team pagkatapos ma-injured ang beteranong guard na si Gabe Norwood, maagang nalamangan ang mga Pinoy ng kanilang katunggaling no. 62 sa world rankings sa first quarter, 28-19.
Pagdating ng second period, nag-init si Paul Lee at pinamunuan ang pagratsada ng Gilas Pilipinas na kumalos sa bentahe ng Ivory Coast sa 5 puntos sa pagtatapos ng first half. Sa second half, doon nagsimulang dominahin ng Gilas ang Ivory Coast.
Malaking bagay din ang nagawa ni Lee na may 16 puntos at nina Japeth Aguilar at CJ Perez na may 12 at 11 puntos ayon sa pagkakasunod.
Samantala, hindi nakalaro sa ikalawang closed door tune-up game si Norwood dahil sa natamong mild groin strain vs. Congo.
Sampu lang ang nakasama sa training camp ng Gilas Pilipinas sa Spain dahil sa PBA Commissioner’s Cup Finals kung saan naglalaro ang TNT at San Miguel. Ang mga hindi nakasama sa biyahe ay sina Troy Rosario, Roger Pogoy, June Mar Fajardo, Christian Standhardinger at Marcio Lassiter.





Comments