OFWs, damay sa gulo sa Hong Kong, delikado
- BULGAR

- Aug 7, 2019
- 1 min read

SA gitna ng malawakang protesta na nagdudulot ng kaguluhan sa Hong Kong, pinag-aaralan na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagpapatupad ng deployment ban.
Ang nasabing protesta ay nag-ugat sa binabalak ng Hong Kong government na “China Extradition Bill”. Sa ilalim ng panukalang-batas na ito, papayagang ipadala ang mga suspek sa China at doon harapin ang kanilang mga kaso.
Bilang pagtutol, libu-libo ang nakiisa sa rally na maituturing na pinakamalaking kilos-protesta ng Hong Kong nationals sa loob ng 15 taon.
Dahil naging serye na ang mga kaganapan, nakatakdang pulungin ang mga organisasyon ng overseas Filipino workers (OFWs) upang makuha ang kanilang panig; ganundin ang posisyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) bilang pagdedeklara ng alert level sa isang lugar na may kaguluhan na maaaring makaapekto sa mga OFW.
Bagama’t, wala pang itinataas na alert level ang DFA sa Hong Kong, sakaling maipatupad ang deployment ban ay hindi muna papayagan ang mga Pinoy na bumiyahe pa-Hong Kong para na rin sa kanilang kaligtasan.
Pinapayuhan naman ang mga naroon na umiwas muna sa mga lugar na may nangyayaring kaguluhan upang hindi madamay. Matatandaang, may OFW na naaresto sa Hong Kong matapos mapagkamalang kasama ng mga ralista.
Hangga’t maaari, umiwas muna sa pamamasyal at manatili sa lugar ng pinagtatrabahuhan at sa bahay at sundin ang payo na iwasang magsuot ng itim o puting damit.
Samantala, umaasa tayo na sa lalong madaling panahon ay humupa rin ang gulo sa Hong Kong at magkaroon na ng pagkakataong magkaunawaan na ang panig ng kanilang gobyerno at ng mga nagpoprotesta.





Comments