SULUNGANG PANG-TRONO KINA QUIZON AT CANINO

PINANGUNAHAN nina International Master Daniel Quizon at Ruelle Canino ang atake ng mga kinatawan ng Pilipinas sa paspasang ahedres at nagresulta sa pag-akyat sa trono ng mga ito sa lima sa isang dosenang kategorya ng 4th Eastern Asia Youth Chess Blitz Championship sa Asia Hotel ng Bangkok, Thailand.
Pitong panalo at dalawang tabla ang naging armas ng 15-taong-gulang na si Quizon para sa paghablot ng titulo sa pangunahing grupo na Boys 18-U.
Kalahating puntos sa likod ng walong puntos na produksiyon ng kampeon ang kababayang si Eric Labog, Jr., 17-anyos, para sa isang 1-2 finish ng bansa. Pumangatlo si CM Dang Minh Quang Tran ng Vietnam dahil sa kartada nitong 7.0 puntos.
Perpekto naman ang naging resulta ng blitz chess ni Canino kaya siyam na panalo mula sa siyam na laro ang nagtulak sa kanya sa trono ng Girls U-12.
Nanguna siya sa pagwalis ng Pilipinas sa podium matapos pumangalawa si Kaye Lalaine Regidor (7.0 puntos) na sinundan ni April Joy Claros (5.5 puntos).
Bukod kina Quizon at Canino, nangibabaw din sa kani-kanyang mga kategorya sina Franiel Angela Magpily (Girls U-10), Woman FIDE Master Allaney Jia Doroy (G16 at G-18) at Mark Jay Bacojo (Boys U-14).
Nakihati rin sa centerstage ang iba pang kasapi ng Philippine Team dahil sa pagpasok nila sa podium.
Kasama sa talaan sina Mheckhaikah Vera Cruz (3rd, G-10), Ma. Elayza Villa (3rd, G-16 & G-18), Samantha Babol Umayan (3rd, G-14), Jerome Angelo Aragones (2nd, Boys U-16), Zeus Alexis Paglinawan (3rd, Boys U-14), Lemuel Jay Adena (3rd, Boys U-12) at Al-Basher Buto (3rd, Boys U-10).
Kasalukuyang nagbabakbakan pa ang mga kabataan sa larangan ng standard chess sa kaganapang isinasaayos ng Thailand Chess Association.





Comments