ISANG PANALO NA LANG NI PACMAN, POUND-FOR-POUND KING NA SIYA


IMORTAL na ngang matatawag ang Pinoy boxing legend. Umangat sa no. 2 ang ranking ni Manny Pacquiao sa pound-for-pound ratings kasunod ng kanyang pagkapanalo kontra Keith Thurman noong Hulyo 21.
Sa edad niyang 40, mukhang 30-anyos pa lamang siya nang kanyang mapabagsak at matalo si Thurman at tuluyang inagaw ang WBA welterweight champions belt at dinungisan ang undefeated record ng mayabang na Kano. Kahanga-hanga ang porma ng Senador.
Isang hakbang na lamang siya o isang panalo na lamang ang kailangan niya upang maging ganap na P4P number one dahil sa kanyang ipinakitang malupet na performance.
Kasalukuyang hawak ni Canelo Alvarez ang top spot habang si Vasyl Lomachenko ang nasa ikatlo. Maaaring maungusan pa ni Lomachenko si Canelo sa bisa ng kagila-gilalas na performance kontra Luke Campbell sa Agosto 31, habang si Canelo ay lalaban pa muli sa susunod na dalawang buwan sa Oktubre.
Maaari ring mag-ungusan ang dalawa sa mga puwesto ng P4P bago matapos ang taon. Pero, iba ang kay Pacquiao, dahil na rin sa kanyang kakaibang record sa pro ranks, siya na rin ang posibleng makaagaw ng top spot sa susunod niyang laban depende na rin sa magiging resulta nito.
Posible pa kasing makaharap ni Pacman ang magwawagi sa pagitan nina Errol Spence at Shawn Porter sa unification match nila sa Setyembre 28. Sakaling isa sa kanila ang makalaban ni Pacman at matalo niya, mahahawakan ngayon ng Pinoy legend ang tatlong bersiyon ng 147 pound crown.
Sakali namang sina Pacman at Crawford ang magharap, ibig sabihin magsasagupa ang Top Rank at Mayweather Promotions. Dito aangat sa no. 1 ng P4P ang magwawagi, hindi lamang hari sa WBA at WBO subalit, ituturing din na superstar. (MC)





Comments