top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Awww! Kaya bes, ‘wag laging pabida... KAYABANGAN, ‘DI UGALI KUNDI SAKIT!

Writer: BULGAR
BULGAR
Aug 5, 2019
2 min read

MARAMI tayong negatibong ugali, pero may kilala ka bang nasobrahan sa pagiging mahangin o mayabang? ‘Yung tipong wala namang bagyo o Habagat, pero dinaig pa ang signal number 5 na bagyo dahil sa kayabangan? Tsk!

Ayon sa Mayo Clinic, may iba’t ibang klase ng personality disorder at isa na rito ang mental condition kung saan ang tao ay may mataas na tingin sa kanyang sarili, ‘yung pakiramdam na sobrang importante niya, palaging nagnanais ng atensiyon ng iba, palaging gustong gawing inspirasyon ng iba ang sarili niya, pakiramdam na sobrang entitled at palaging gumagawa ng eksena para lang maitaas ang sarili at walang pakialam sa iba, basta siya, ang alam ay palagi siyang tama. Ngunit, sa likod ng extreme self-confidence nila, napakasensitibo nila sa maliit lang na uri ng criticism. Ito ang tinatawag na narcissistic personality disorder o NPD.

Sey ng author ng Help Guide na si Melinda Smith, ang NPD ay nagdudulot ng problema sa buhay, relasyon, trabaho, paaralan o pinansiyal na aspeto ng buhay. Ang mga taong mayroong ganitong disorder ay madalas na nakararamdam ng kalungkutan at pagkadismaya sa tuwing hindi sila nabibigyan ng espesyal na pabor o paghanga ng ibang tao na sa tingin nila ay nararapat para sa kanila.

Sinabi ni Christian Nordqvist ng Medical News Today, ang mga may ganitong klase ng disorder ay madalas na nararanasan ng taong mababa ang tingin sa iba at palaging kinukuwestiyon ang ibang bagay. Sila rin ang madalas makaramdam ng inggit at palaging iniisip na naiinggit sa kanila ang ibang tao.

Samantala, ayon kay Dr. Cristina Gregory ng PsyCom, kapag nalagay sa sitwasyon ang taong mayroong narcissistic personality disorder kung saan pakiramdam niya ay nakararanas siya ng kritisismo, mabilis silang magalit at maging impatient. Mabilis silang mangmaliit ng tao at hindi nila nakokontrol ang kanilang emosyon.

Ayon sa Mayo Clinic, hindi madaling gamutin ang ganitong uri ng disorder dahil hindi ito madaling tanggapin ng taong meron nito. Ngunit, kung mabilis na tatanggapin ng tao na mayroon siyang ganitong uri ng personalidad, sabi ni Dr. Gregory, psychotherapy o talk therapy ang natatanging paraan ng paggagamot dito.

Tatagal ito nang mahigit isang taon dahil umano sa matagal na proseso sa pagbabago ng ugali ng tao. Sa proseso ng talk therapy, ang mga taong may NPD ay tuturuang mag-maintain ng relationship sa katrabaho at kapamilya, tumanggap ng pagkakamali at iwasang mag-set ng mga unrealistic goal at pagiging perfectionist.

Now we know, mga ‘tol! Kaya kung may kilala kang ganito o kung isa ka sa mayroong ganitong uri ng kondisyon, naku, ‘tol, magpakonsulta ka na sa mga eksperto bago ka pa magising na wala na palang taong kayang tumanggap sa ugali mo. Gets mo?

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page