Hirit ng pangulo na pumatay na rin ang mga bumbero, nakakatakot!

SA naganap na anibersaryo ng Bureau of Fire Protection (BFP), sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpapalabas umano siya ng mga baril para sa mga bumbero upang makatulong ang mga ito sa pagpapanatili ng peace and order.
Ito ay kasunod sa pagpatay ng mga rebelde sa apat na pulis sa Negros Oriental.
Nais ng pangulo na makatulong ang mga bumbero sa pulisya at militar, gayundin, patayin ang mga kaaway ng estado dahil kung wala umano silang kakayahang labanan ang mga ito, posibleng sila ang mapatay.
Bukod pa rito, nangako si P-Duterte na bibili siya ng mga de-kalidad na firetrucks para sa BFP at tiniyak niyang ang procurement ng bagong trucks ay hindi idaraan sa kung sino ang may pinakamababang bid upang matiyak ang kalidad nito.
Samantala, sa totoo lang, nakatatakot ang nais ng pangulo dahil may ilang indibidwal na kapag naarmasan ay imbes na gamitin ito sa tama, lalo lang silang napapasama.
Gayundin, may sariling obligasyon ang mga bumbero sa bayan, hindi natin sila puwedeng isama sa mga pulis at militar na sa ibang paraan lumalaban para matamasa ang kapayapaan.
Mas mainam kung hahasain ang mga bumbero sa bagay na may koneksiyon sa kanilang tungkulin at maghanap na lamang ng ibang makatutulong para sa kapayapaang kailangan natin at ng bayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.


Comments