3 beses naturukan ng Dengvaxia, namatay... 13-ANYOS, TINUBUAN NG IBA’T IBANG BUKOL SA MUKHA AT KULA

PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA

BATID ng lahat ang kahalagahan ng mukha ng tao. Ito ang pinakamatibay na pagkakakilanlan ng bawat isa. Nasa mukha rin ang mahahalagang sense organs na naghahatid ng impormasyon at nagbibigay-proteksiyon sa buong katawan. Bukod dito, may malaking papel din ang mukha sa pakikipag-ugnayan sa kapwa-tao at pagpapahayag ng sariling damdamin.
Higit sa pagpapahayag ng simpatya, ang empathy ay paglalagay ng sarili sa buhay ng ibang tao. Ito ay nagiging pakikiramay na may matatag at kongkretong pagmamalasakit. Empathy ang kailangan ng mga biktima (at mga magulang nila) na may kaugnayan sa bakunang Dengvaxia.
Si Cyrus DJ T. Copino, isa sa mga naturang biktima, matindi ang naging pinsala sa maamo niyang mukha. Ang close-up picture ng kanyang apektadong mukha sa Facebook page ng “Friends of PAO” ay nangungusap at kumukurot sa damdamin.
Si Cyrus ay namatay noong Hulyo 4, 2019 sa ospital sa Quezon City. Siya ang pang-isandaan at apatnapu’t dalawa (142) sa mga naturukan ng Dengvaxia. Nakaranas siya ng senyales at common pattern of 4 serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism, neurotropism & increase in severity of dengue disease) na consistent sa Sanofi declaration of 4 identified and expected risks in its submission for authorization sa Food and Drug Administration (FDA) noong Disyembre 22, 2015.
Sumailalim si Cyrus sa forensic examination ng Public Attorney’s Office (PAO) Forensic Team pagkatapos hilingin ng pamilya ang serbisyo ng grupo para sa pumanaw na biktima. Binibigyan din sila ng kailangan nilang libreng serbisyo-legal ng aming tanggapan sa pangunguna ng inyong lingkod bilang kaukulang aksiyon sa idinudulog nilang kahilingan.
Ang 13 taong gulang na si Cyrus ay naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan sa Pasig nang tatlong beses. Siya ay unang nabakunahan noong Hunyo 29, 2016; pangalawa noong Enero 27, 2017 at pangatlo noong Hulyo 24, 2017.
Pagkaraan ng nasabing tatlong pagbabakuna, nagkaroon ng pagbabago sa katawan at kalusugan ni Cyrus. Noong unang linggo ng Hulyo, 2017, may tumubong bukol sa kanyang kanang pisngi. Noong panahon ding ‘yun, siya ay naging bugnutin at masungit. Nagreklamo rin siya noon ng pananakit ng ulo at pangangalay ng kasu-kasuan.
Noong ikalawang linggo ng Hulyo, 2017, sa pag-aakalang may beke o may sirang ngipin si Cyrus, dinala siya ng kanyang mga magulang na sina Julius at Rhodora Copino sa klinika ng dentista sa Pasig. Dahil hindi maganda ang nakita ng dentista ay ini-refer sila sa ospital. Matapos i-x-ray si Cyrus ay binunutan siya ng sirang ngipin. Umuwi rin sila ng bahay pagkatapos.
Noong Hulyo 25, 2017 ay mas lumaki ang bukol sa pisngi ni Cyrus kaya bumalik sila sa ospital. Iminungkahi ng doktor na i-refer siya sa EENT para ma-biopsy ang bukol sa kanyang pisngi. Noong ikalawang linggo ng Agosto 2017 ay na-biopsy ang nakuhang sample sa bukol sa pisngi ni Cyrus. Base sa resulta ay lymphoma diumano ang nasabing bukol.
Noong Setyembre 5, 2017 ay inoperahan ang pisngi ni Cyrus upang tanggalin ang bukol. Matagumpay naman nilang itong naialis. Matapos ang halos dalawang (2) linggo ay na-discharged siya sa ospital.
Sa pagdaan ng mga buwan ay naging pabalik-balik ang pananakit ng ulo at kasu-kasuan ni Cyrus. Noong Disyembre, 2017 ay may tumubo muling bukol sa kanyang kanang pisngi kaya iminungkahi ng doktor na ipa-CT scan at muling i-biopsy ang nakuhang sample ng bukol sa pisngi ni Cyrus DJ noong Agosto 2017 dahil kapos sa pera ang kanyang mga magulang noon ay hindi nila ito naipagawa kaagad.
Nagpatuloy ngayong 2019 ang pakikipaglaban ni Cyrus sa kanyang mga karamdaman. Narito ang bahagi ng mga pinagdaanan niya, hango sa salaysay ng kanyang mga magulang...
Enero-Pebrero 2018, mas lumaki ang bukol sa pisngi niya. Sa sobrang banat ng kanyang pisngi noon dahil sa bukol ay nakikita na ang mga ugat niya, kaya muli siyang sumailalim sa biopsy.
Abril-Mayo 15, 2018, lumabas ang resulta ng biopsy at ayon dito, may cancer diumano si Cyrus. Sinabihan ang kanyang mga magulang ng doktor na kailangang dumaan siya sa chemotherapy at operahan ang kanyang pisngi upang tanggalin ang bukol. Muli siyang inoperahan noong Mayo 15, 2018 upang tanggalin ang bukol sa kanyang kanang pisngi. Noon ding panahong ‘yun nang magsimula ang kanyang chemotherapy.
Hunyo, 2018, muling nagkabukol ang inoperahang parte ng kanyang kanang pisngi. Muling iminungkahi na isailalim sa biopsy ang mga nakaraang sample na nakuha kay Cyrus.
Noong Agosto14, 2018, nalaman ang resulta ng biopsy at ayon nga rito ay may desmoplastic round cell tumor si Cyrus. Inoperahan siyang muli sa pangatlong pagkakataon. Matagumpay ang operasyon at noong panahon ding ‘yun ay nawala ang pagsakit ng kanyang ulo at kasu-kasuan.
Nobyembre, 2018 at Disyembre 11, 2018, muling nagkaroon ng bukol sa kanang parte ng kanyang pisngi si Cyrus. Inoperahan siya sa pang-apat na pagkakataon at matapos ang isang linggo ay nakalabas siya sa ospital.
Enero-Pebrero 1, 2019, may lumabas na malapad na bukol sa kanang pisngi ni Cyrus. Sabay ding lumabas ang kulani sa kaliwang bahagi ng kanyang leeg. Isinailalim siya sa panlimang operasyon upang tanggalin ang nasabing bukol at kulani. Matapos ang isang linggo ay nakalabas din sa ospital si Cyrus.
Unang linggo ng Marso 2019, bumalik ang bukol sa kanang pisngi at kulani sa kaliwang leeg ni Cyrus.
Ayon sa doktor ay agresibo ang pagkalat ng mga bukol. Iminungkahi nito na ipa-CT scan si Cyrus. Patuloy pa rin nu’n ang kanyang chemotherapy.
Abril 11 at huling linggo ng Abril 2019, naka-schedule na sanang operahan si Cyrus nang sabihan ang kanyang mga magulang ng doktor na base sa resulta ng CT scan ng kanilang anak ay kumalat na ang mga bukol sa bungo niya at baka mas lalo itong makasama sa kanya.
Huling linggo ng Abril, 2019, inilabas sa ospital si Cyrus. Doon ay umasa ang kanyang mga magulang sa herbal medicine upang lunasan ang mga idinaraing nito. Napagaling nito ang mga sugat sa paa ni Cyrus na sanhi ng kanyang chemotherapy.
Hunyo, 2019, para nang gripo kung tumulo ang dugo sa baba ni Cyrus na nanggagaling sa kulani sa leeg niya. Nagkakanana rin ang mga bukol sa mukha niya. Ang kanyang tainga ay unti-unti ring nalalagas.
Ayon kay G. Julius, napakasakit nito para sa kanya dahil siya mismo ang gumunting sa nakalaylay na tainga ng kanyang anak. Muling dinala si Cyrus sa ospital at niresetahan ng antibiotics.
Natapos ang nasabing gamutan kay Cyrus, ngunit, muli siyang na-admit sa ospital dahil hirap siya sa paghinga. Nanigas ang kanyang katawan at dahil dito ay nagkaroon ng emergency operation sa leeg ni Cyrus nang walang anaesthesia para makahinga siya. Ang naoperahang parte ng kanyang leeg ay nilagyan ng tubo.
Hunyo 30, 2019, lumaban si Cyrus upang maitawid niya ang kaarawan ng kanyang ama na si G. Julius.
Noong Hulyo 2, 2019 ay na-discharged sa ospital si Cyrus, ngunit, sa kasamaang-palad, pagkaraan ng 2 araw ay namatay din siya.
Narito ang bahagi ng salaysay ng mga magulang ng yumao hinggil dito:
“Noong ika-3 ng Hulyo, 2019 ay hirap na hirap nang huminga ang aming anak. Kami ay nagpasaklolo sa mga nurse na ibinigay ng DOH para maayos ang aparato na nakakatulong sa paghinga niya. Dahil hindi ito maayos ay nagpatawag kami ng ambulansiya. Mga ala-una nang madaling-araw ng ika-4 ng Hulyo, 2019 ay isinugod namin sa ospital ang aming anak dahil sa malala niyang kalagayan.
Dahil kumplikado ang kondisyon niya at tanging ospital lang ang may alam sa sakit niya, inilipat siya sa ibang ospital. Mga alas-tres nang madaling-araw, pagdating namin ay nahugot ang tubo na nakakabit sa leeg ni Cyrus, kaya lalo siyang nahirapang huminga. Namumutla na nu’n si Cyrus at mag-aalas-kuwatro nang madaling-araw ay dumating ang EENT na doktor upang ayusin ang operasyon at tubo sa leeg niya.
Na-revived si Cyrus na noon ay nag-aagaw-buhay na. Doon ay naghanap siya ng panulat at papel at tinanong niya kami kung pumanaw daw ba siya na sinang-ayunan naman namin. Muli niya kaming tinanong kung bakit pa namin siya ipina-revive dahil nakita na raw niya ang kanyang inang, ang pumanaw na lola niya na hindi pa niya nakikita. Muli siyang nagsulat na pagod na raw siya at sumusuko na. Pagsapit nang alas-sais nang umaga ay tuluyan nang pumanaw ang aming anak.”
Bilang tugon sa kahilingan ng mga magulang ni Cyrus, ang kanyang kaso ay kasama na rin sa aming ipinaglalaban para sa mga katulad niyang biktima.
Masakit isipin, lalo na ng mga magulang ng bata, na inagaw sa maamong mukha ng kanilang anak ang karikitan, ayos at lusog nito.
Ang alaala ng Dengvaxia na itinurok sa kanya ay patuloy na nakalambong sa sinapit ni Cyrus. Sa mga kasong tulad nito, nararapat pa rin tayong umasa dahil bagama’t, sa mukha ni Lady Justice ay makikita ang mga mata niyang nakapiring, hindi ito kabawasan sa matalas niyang pakiramdam kung saan ikikiling ang timbangan ng katarungan.
142 na ang namatay dahil sa Dengvaxia nang walang blood test at screening. Ang mga ito ay natapos nang i-autopsy ng PAO Forensic Team.
Nakita ang common pattern of signs and symptoms with common manifestation of brain and internal organ bleeding- consistent with Sanofi declaration to FDA-DOH 12/22/2015. Banned na ang Dengvaxia rito sa Pilipinas. Payag kaya ang mga survivor at magulang na ibalik pa ito?
(Itutuloy)





Comments