TATAY NA MAY DEATH THREAT SA TUNAY NA BUHAY; NAMATAY SA PANAGINIP

Salaminin natin ang panaginip ni Nicavero ng Nicavero_Cabasbas@face-book.com
Dear Professor, Retired police ang tatay ko at kareretiro lang niya noong June 9, 2019, sa panaginip ko ay kinausap ako ng nanay ko at ang sabi niya, “wala na ang tatay mo, patay na”! Habang kausap ako ng nanay ko ay inaayos niya ‘yung uniform ng tatay ko. Pagkatapos niya akong kausapin ay binuksan ko ang TV at nakita ko sa balita na wala na ang tatay ko. Nakahiga siya sa kalsada habang hawak ng police na nag-iimbestiga ang ulo niya. Sa totoo lang, natatakot ako sa tuwing umaalis ang tatay ko kasi ‘yung kaibigan niyang police na ninong ko ay pinatay noong May 2018. Kinausap niya ang tatay ko na may death threat silang dalawa last March 2018. Kaya hindi naaalis sa akin ang kabahan at masagi sa isip ko na baka mawala ang tatay ko, lalo na at marami kaming kaaway sa lupa na inaangkin ng ibang tao na hindi purong taga-Antipolo. Isasangguni ko na rin ang nanay ko, nanaginip siya na naputol daw ang buhok niya at naging sobrang iksi. Maraming salamat! Naghihintay, Nicavero
Sa iyo Nicavero, Alam mo, iha, ang kadalasang laman ng mga panaginip ay ang mga alalahanin, pangamba at takot ng nanaginip.
Sa ganitong katotohanan, makikitang normal lang na mapanaginipan mo na ang tatay mo ay patay na dahil sa totoong buhay ay may death threat siya. Ipanatag mo ang iyong kalooban dahil ang mga alalahanin, pangamba at takot ng tao ay hindi nagkakatotoo dahil ang totoo, iha, ang alalahanin, pangamba at takot ay nasa isip lang.
Mas maganda sa tao ang mabuhay nang positibo at ang inaasikaso ay ang kanyang mga pangarap, ambisyon at pagkakaroon ng magandang kinabukasan. Sa ganito dapat umikot ang iyong mundo.
Ang mga negatibong bagay ay dapat tanggapin nang maluwag sa loob dahil normal lang na ang Haring Araw ay namamaalam sa dapithapon, pero masayang bumabati sa bukang-liwayway.
Ilagay mo sa iyong isipan na anuman ang mangyari sa tatay mo, ito ay kagustuhan ng langit. Sa ganitong pag-iisip ay mapapanatag ka na.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo





Comments