top of page
TALKIES - MARIEL, PROUD NA TRUE FRIENDS SINA TONI, RUFFA, MARJORIE AT CAMILLE VILLAR_IG _m

CHARCOS, BINUHAY ANG MOMENTUM NG ALTAS; LETRAN, NAKA-5TH WIN NA

  • A. Servinio
  • Jul 31, 2019
  • 2 min read

PUMASOK ang layup ni Edgar Charcos na may 3.4 segundong nalalabi sa orasan upang makamit ng University of Perpetual Help System-Dalta ang 75-73 na tagumpay kontra sa Arellano University sa pagpapatuloy ng 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa FilOil Flying V Centre. Sinigurado ni Kim Aurin ang panalo sa pagtapal sa tira ni Rence Alcoriza sabay tunog ng huling busina, hudyat ng wakas ng tatlong sunod-sunod na talo ng Altas.

Matindi ang naging palitan ng dalawang koponan sa huling quarter sa pagitan ni Charcos at Kent Salado ng Chiefs. Naitabla sa huling pagkakataon ang laro ni Justin Arana na may 41 segundo sa orasan at humigpit ang depensa ng dalawang panig bago naging bayani si Charcos. Namuno sa tagumpay si Aurin na may 17 puntos habang ag-ambag ng 16 si Ben Adamos at 15 si Charcos. Huling nakatikim ng panalo ang Altas noong Hulyo 9 laban sa Mapua University, 80-78. Sa unang laro, naitala ng Colegio de San Juan de Letran ang ika-limang sunod na panalo laban sa walang panalong Mapua, 89-84. Dalawang puntos lang ang lamang ng Knights, 86-84, nang bumomba ng tres si Edson Batiller na may 20 segundo sa orasan para lipulin ang tangka ng Cardinals na makabalik sa laro. Nanguna para sa Knights si Larry Muyang na ginawa ang 14 ng 24 puntos sa ikatlong quarter sabay hakot ng 9 rebound. Sumunod si Batiller na may 15 puntos at Jeo Ambohot na may 14 puntos. Sa Juniors Division, nakuha na sa wakas ng defending champion Mapua Red Robins ang unang panalo ng taon pagkatapos ng apat na talo kontra sa Squires, 92-90, salamat sa tres ni Megan Galang galing sa kanto at 34 segundo ang nasa orasan. Wagi ang Arellano Braves sa Junior Altas, 78-70, upang manatili sa 2nd place na may kartadang 4-1.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page