MAGPUPUTULAN NG ANGAS ANG AU CHIEFS AT ALTAS
- A. Servinio
- Jul 30, 2019
- 1 min read

PAPASOK ngayong araw na todo-ganado ang host school Arellano University sa paghanap ng kanilang ikalawang sunod na panalo sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa FilOil Flying V Centre. Haharapin ng Chiefs ang University of Perpetual Help System-Dalta, isang koponan na nais putulin ang tatlong sunud-sunod na talo, simula ng alas-2:00 p.m.
Nakamit ng Arellano ni coach Cholo Martin ang unang panalo noong Biyernes kontra sa Emilio Aguinaldo College, 86-77, upang umangat sa 1-3 panalo-talo. Namuno sa pagwawagi ng Chiefs si Kent Salado na may 24 puntos at siya muli ang aasahan na bumuhat sa koponan kasama ang tulong nina Archie Concepcion, Dariel Bayla at Raymart Angelo Sablan na mahusay din ang ipinakita laban sa Generals.
Sa tampok na laro ng 4 p.m., magsusubukan ang College of Saint Benilde at San Sebastian College, dalawang paborito na makapasok sa Final 4 ngayong taon. Ang CSB Blazers ay may malinis na kartadang 3-0 upang pumangalawa sa defending champion San Beda University Red Lions na 4-0. Malaking bagay para sa tatlong tagumpay ng Blazers ang inilalaro nina Justin Gutang, Jimboy Pasturan at ang pagbalik ni Clement Leutcheu galing sa injury ngunit, titingnan pa kung makalalaro si Gutang matapos masaktan noong huling laro sa Mapua University.
Sa panig ng Stags, mainit ang simula nila sa torneo at nanalo ng dalawang beses, pero biglang lumamig at natalo sa huling dalawang laro sa Lyceum of the Philippines University (69-80) at San Beda (59-73).
Aasahan muli ng Stags ang mga beteranong sina Allyn Bulanadi, JM Calma at Aljohn Capobres at napakahalaga na bumawi ni RK Ilagan matapos gumawa ng pinagsamang 3 puntos sa dalawa nilang talo.





Comments