UMAYOS NA KAYO, MAY NANALO NA!

NAGWAGI na bilang bagong presidente ng Philippine Olympic Committee (POC) si Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling) head Abraham “Bambol” Tolentino kahapon, sa 2019 special election na ginanap sa Century Park Hotel sa Manila.
Nakakuha si Tolentino ng kabuuang 24 boto mula sa 44 na National Sports Associations (NSAs) chiefs para mahigitan si Philip Ella Juico ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) na may 20 boto, sa isang dikitang laban para sa mataas na puwesto ng Olympic body sa bansa.
“It is time for us to unite and work on side-by-side so that we can prepare for the hosting of Southeast Asian Games (SEAG) in the country this year,” pahayag ni Tolentino na siya ring POC chairman bago mag-resign si dating president Ricky Vargas.
Hinirang na kapalit ni Tolentino bilang chairman si Steve Hontiveros ng Philippine Handball Federation (PHF) na nanalo sa pamamagitan ng 26 boto laban kay Philippine Taekwondo Association (PTA) head Robert Aventajado na may 18 votes.
Muli namang mauupong board member sina Clint Aranas ng Archery na nanguna sa 24 na boto at Cynthia Carrion ng Gymnastics Association of the Philippines na pumangalawa sa 23 boto.
Hindi nagsipagwagi sina Monico Puentevella ng Weightlifting na may 21 boto at Lani Velasco ng Swimming na may 19 boto.
Alinsunod ang naturang aksiyon sa utos ng International Olympic Committee (IOC) at Olympic Council of Asia (OCA) na magkaroon ng halalan sa mga bakanteng posisyon matapos ang pagre-resign ng ilang miyembro ng POC na pinangunahan ni dating president Ricky Vargas.
Dinaluhan ang eleksyon ng 47 regular members, na binubuo ng 44 NSAs voters para punan ang mga posisyong binakante nina dating president Ricky Vargas, chairman Abraham Tolentino at sina board members Clint Aranas at Cynthia Carrion.
Sina Tolentino at Juico ang mga pangalang naisumite na tatakbo sa pagka-presidente sa naganap na Extraordinary General Assembly na sinuperbisa ni POC board member Prospero Pichay noong Hulyo 18 sa Manila Golf and Country Club, sa Makati City.





Comments