SA RAMI NG PINATUMBA NI SASO, HANDA NA ANG GOLFER SA SEAG

NADAGDAG ang prestihiyosong 71st U.S. Girls’ Junior Championship sa humahabang listahan ng mga paligsahan kung saan nakasampa sa podium ang Pinay-Haponesang si Yuka Saso matapos pumangatlo nang magsara ang labanang ginanap sa palaruan ng SentryWorld sa Stevens Point, Wisconsin.
Nagsilbing mainam na armas ni Saso, 18-anyos pa lang pero may-ari na ng malupit na rekord katulad ng pagiging double gold medalist sa pinakahuling Asian Games at ang pagiging reyna ng katatapos na 2019 Girls Junior PGA Championship sa Hartford, Connecticut, ang makinang na performance sa stroke play at sa match play ng paligsahan.
Noong stroke play, dalawang bogey-free rounds ang nagtulak sa Youth Olympic Games silver medalist na dalagita papunta sa pole position ng knockout round ng torneong nilahukan ng 154 lady junior golfers mula sa USA, China, Australia, Taiwan, Canada, Korea, Mexico, Peru, Hong Kong, Columbia, Israel at Pilipinas.
Sa maigting na match play na nilimitahan lang sa top 64 finishers, sinagasaan ni Saso, pambato ng bansa sa 2019 SEA Games at pang-25 sa World Amateur Rankings, sina Kaylee Sakoda sa round-of 64 (6 & 4), Phoebe Brinker noong bakbakang round-of 32 (3 & 2), Anne Chen sa duwelong pang-round-of -16 (5 & 4) at Rose Zhang sa quarterfinals (2 up).
Sa kasaysayan ng paligsahan, ito na ang pinakamataas na puwestong narating ni Saso. Bago rito, hindi siya nakakalagpas sa round-of-32. Minsan pa rin lang, may kinatawan ang Pilipinas na nagwagi rito sa katauhan ni Princess Mary Superal (2014). Taong 2011 nang pumangalawa si Dottie Ardina sa kompetisyon.





Comments