BOLILYONG GINTO, HAKOT SA ABF NINA POSADAS-WONG AT FERNANDEZ
- Eddie M. Paez, Jr.
- Jul 28, 2019
- 1 min read

NAKUHA ni Lara Posadas-Wong ng Pilipinas ang kanyang pinakaunang titulo sa continental tour sa kababaihan samantala, pumangatlo ang kababayang si Enzo Fernandez sa men’s bracket nang ibaba ang telon ng Asian Bowling Federation (ABF) Tour Hong Kong Leg sa palaruan ng SCAA Bowling Centre sa Hong Kong.
Tumiklop sa husay ni Posadas-Wong si Malaysian ace Nora Lyana Natasia, 203-171 sa final round ng kompetisyong nilahukan lang ng top 16 finishers ng katatapos na 2019 Hong Kong International Open Bowling Championship. Pagkatapos ng halos dikitang laban sa unang dalawang frames, kumawala si Posadas-Wong sa tulong ng strikes sa pangatlo, panglima, pang-anim at pangsiyam na frames para maselyuhan ang korona.
Ito na ang pangalawang podium finish ng Pinay dahil kamakailan lang ay siya rin ang naging bridesmaid ng Hong Kong International Open.
Bukod kay Natasia, winalis ni Posadas-Wong papunta sa kampeonato si Malaysian Radin Nun sa iskor na 212-158 (round 1); kababayang si Dyan Coronacion 245-206 (round 2) at si Hong kong pride Joey Yip, 226-180, noong semifinals ng kompetisyon.





Comments