KAPIT-BISIG NA LAHAT SA SEAG, KUMUSTA NA ANG PASILIDAD?

BATI-BATI na ang lahat ng mga opisyal. Nag-uusap na nang maayos.
Nagkapit-bisig na at nangako na ng kanilang pagkakaisa at pagtutulungan ang Philippine Sports Commission (PSC), Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC) at ang Philippine Olympic Committee (POC) upang matiyak na magiging matagumpay ang pag-host ng bansa sa 30th SEA Games sa Nobyembre.
Isinantabi na umano ng bawat isa ang kani-kanilang mga gusot upang bigyang-daan ang ‘unity’ at kooperasyon alang-alang sa sports community lalo na sa mga pambatong Pinoy athletes ng bansa.
Ipinatawag sila sa isang miting sa Palasyo para makapag-usap at matalakay ang mga isyung napag-uusapan sa media. Sa pulong, sumang-ayon sila na pangangasiwaan ng PHISGOC ang pagpapatakbo ng mga laro, habang in-charge naman ang POC sa teknikal na aspeto ng lahat ng sporting events ng SEA Games, at ang PSC ang official custodian ng budget na popondo para sa 30th SEAG.. Pero, ang tanong ngayong apat na buwan na lamang ang nalalabi kung saan halos 10,000 mga atleta ng 11 mga bansa ang inaasahan na darating ay nakahanda na ba ang mga pasilidad? Ayon kasi sa last report, naglabas ng pangamba ang Vietnam Football Federation (VFF) sa gagamiting venue.
Ayon sa isang website, maaari umanong magkaroon ng problema sa kampanya ng Vietnam national team ang venue na pag-gaganapan ng football event, na maagang magsisimula sa Nobyembre 25, dahil sa artificial ang grass nito.
Napipisil na pagganapan ng football events para sa men and women competitions ang Rizal Memorial Stadium, University of Makati Football Stadium at Biñan Football Stadium. Gagawin sa Rizal Memorial ang opening matches, gayundin ang semi-finals, bronze medal at finals.
Wala sa mga nabanggit na football stadium ang gumagamit ng natural grass, kung saan magiging balakid daw ito hindi lang ng kanilang kampanya kundi maging ng iba pang bansa para sa gold medal ng biennial meet na magbubukas simula Nob. 30-Dis. 11.
Tanging ang mga world class Athletics Stadium sa Clark City ang 96% nang ready na ngayon ay nagagamit nang practice venue ng local athletes habang ang Aquatic Center ay may 2,000-seater at may 10-lane competition pool, eight-lane training pool at diving pool na may five-meter maximum depth na 90% na ring kumpleto at magagamit na sa Aug. 31. Karamihan ng may 56 sports at 530 events ay pawang idaraos sa Clark at Subic na may 44 na venues. Gayunman, ang mga major sports tulad ng basketball, volleyball at weightlifting ay sa Metro Manila idaraos.





Comments