Kahulugan ng trahedya sa barko
- BULGAR

- Jul 27, 2019
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Richard ng Richard_Gensis@face-book.com
Dear Professor,
Ang mama ko na si Dolores ay Virgo, mayroon siyang napanaginipan na malaking barko na sira at may lalaki sa likuran na nakabitin sa barko at ang mama ko ay nasa harap ng barko.
Pagkatapos, biglang gumewang-gewang ang barko at nakita ni mama na nakabitaw ang lalaki, pero ang mama ko ay walang takot na tumalon at lumangoy hanggang sa nakarating siya sa pampang at nakita niya ang lalaki na nagsasagwan.
Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Richard
Sa iyo Richard,
Narinig mo na ba, iho, ang sinasabing legendary character na “the shinning armor?” Ito ‘yun gustung-gusto ng mga babae na magliligtas sa kanila at tulad ng nasabi, legendary personality lang ito at inaakala ng marami na ito ay lalaki.
Pero, ang totoo, walang direktang tinutukoy dito dahil ang sabi lang ay “the shinning armor” na nagpapahiwatig na ito ay ang tagapagligtas.
Saan ba ito magiging tagapagligtas? Ililigtas niya ang nakakulong sa tore ng palasyo, ililigtas niya ang nakatanikala sa kalungkutan, ililigtas niya ang matagal nang alipin ng pag-iisa at pangungulila at ililigtas din niya ang taong halos mawalan na ng pag-asa, pero kumakapit pa rin sa paniniwalang darating ang kanyang tapagligtas.
Sa madaling salita, ang panaginip ng Mama Dolores mo ay nagsasabing, magiging tagapagligtas siya. Tutulungan niya ang walang kakayahang maabot ang pangarap, pero desididong mag-tagumpay sa buhay.
Sino kaya ang ililigtas ng mama mo? Ang nakagugulat na sagot ay ikaw mismo dahil masasalamin sa panaginip mo kahit hindi mo aminin na ikaw ay may pagka-mama’s boy.
Bagama’t, ang mga nanay ay sinasabing ilaw ng tahanan, sa pagkakataong ito, siya rin ang iyong kalakasan.
Ganito ang sabi, “mahalin mo ang iyong mga magulang”, banal na utos na may kalakip na pangako na ang sinumang susunod sa utos na ito ay pagpapalain at hahaba ang buhay.
Napansin mo ba, ang salitang “pagpapalain”, ‘di ba, ang ibig sabihin, darami ang kabuhayan? Dahil sa salitang yayaman, ang pahabol na payo ay tutulungan niya ang mga kapus-palad.
Napansin mo ba ang salitang “hahaba ang buhay?”
Ito ay nagsasabing, siya ay may papel din sa mundo tulad ng papel na ginagampanan ng mga “the shinning armor”.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo




Comments