ANGAS NG DLSU SA BASKETBALL, ABANGERS


PINALALAKAS nang husto ng De La Salle University ang kanilang men’s basketball team para sa darating na UAAP Season 82 Men’s Basketball Tournament.
Batay sa naunang lumabas na mga ulat online, tatlong Fil-foreigners na sina Keyshawn Evans, Jamie Orme, at James Laput ang pinakahuling idinagdag ng Green Archers para makapaglaro ng isang taon sa collegiate ranks dito sa bansa.
Ang tatlong Fil-foreign players ay maaaring maglaro sa liga gaya ng nangyari sa Fil-Am na si Troy Rike noong 2018 sa National University batay sa panuntunang binibigyan ng pahintulot ang mga graduate student athletes mula sa non-UAAP schools upang makalaro ng isang taon sa liga.
Naglaro ng apat na taon ang 23-anyos at 6-foot na si Evans sa Illinois State Redbirds kung saan siya nagtala ng average na 8.5 puntos, 2.3 assists at 1.8 rebounds.
Lumaro naman ang 6-foot-7 forward na si Orme sa Highline College ng dalawang taon bago lumipat sa Portland State kung saan ito nag-average ng 6.2 puntos at 3.7 rebounds.Pinakamatangkad sa tatlo, ang 6-foot-9 Fil-Australian na si Laput sa Division II school Young Harris College sa loob ng 14 na laro.Maliban sa tatlong nabanggit na manlalaro, nauna nang kinuha ng Green Archers, na gagabayan ng bagong coach na si Gian Nazario, si Fil-Am Andrew Sanderson-Singson, isang 6-foot-5 swingman mula Rock Ridge High School na lumaro para sa FilAm Sports noong 2018 National Basketball Training Center (NBTC) National Finals.
Ang iba pang mga bago nilang recruits ay sina Joshua David at Joel Cagulangan mula La Salle Greenhills na inaasahang susuporta sa mga bagong lider ng koponan na sina Aljun Melecio, Andrei Caracut, Justine Baltazar at Encho Serrano. (VA)





Comments