Good news sa mga New Yorker nating kababayan, SSS branch sa New York, bukas na!
- Thea Janica Teh
- Jul 22, 2019
- 2 min read
Bulgarific
HELLO, Bulgarians! Opisyal ng binuksan ng Social Security System (SSS) ang sangay nito sa New York para sa tungkulin nitong siguraduhin ang karapatan sa social security ng mga Pilipino na nasa ibang bansa.
Ito ay matatagpuan sa The Philippine Center na nasa 556 Fifth Avenue kung saan kasama nito ang Philippine Consulate General (PCG) sa New York at iba pang ahensiya ng gobyerno. Ito na ang ika-27 branch ng SSS sa labas ng bansa.
Ang ilan pang foreign representative office ng SSS ay nasa 18 bansa kabilang ang mga branch sa Los Angeles at San Francisco sa USA; Toronto at Calgary sa Canada na nagbibigay ng serbisyo sa mga kababayan nating naninirahan at nagtatrabaho rito.
Maaari nang makakuha sa bagong branch sa New York ang mga kababayan natin ng kanilang Social Security number, pagbeberipika ng datos at pagbabago ng impormasyon ng miyembro, pagtanggap ng aplikasyon sa benepisyo, pautang at Annual Confirmation of Pensioners (ACOP).
Ito ay bukas mula Lunes hanggang Biyernes ng alas-9:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon. Tatanggap naman ng buwanang kontribusyon ang mga miyembro ng Philippine National Bank, Ventaja at Lucky Money, Inc..
“Kasabay ng pagsasabatas ng Social Security Act of 2018 ang pangako ng mandatory coverage para sa lahat ng sea-based at land-based OFWs sa pamamagitan ng mas pinaigting na bilateral agreements tungkol sa social security at labor sa pagitan ng Pilipinas at iba’t ibang bansa sa buong mundo,” sabi ni SSS President and Chief Executive Officer Aurora C. Ignacio.
Bukod pa rito, ang mga Pilipino na permanent migrants sa U.S., mga may estado bilang immigrants, naturalized/dual citizens at permanent residents ay maaaring magpatuloy ng kanilang pagiging miyembro o magparehistro sa unang pagkakataon bilang voluntary member.
Alinsunod sa mandatory coverage ng mga OFW, ipagpapatuloy din ng SSS na tukuyin ang mga bansa kung saan mayroong malaking populasyon ng mga Pilipino para sa posibilidad na pagbubukas ng karagdagang foreign representative offices sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Foreign Service Posts.
♥♥♥
For event invitations, please, email bulgarific@ gmail.com or PM us on our Facebook page.
Got to go! It’s so Bulgarific!
xoxo





Comments