Kitang-kita raw ang ebidensiya sa mga lumang piktyur… SIGAW NG MADLANG PIPOL: BAGONG DARNA NA SI JAN

Anj Cabilla / PAK ANG GANAP

HINDI pa man nagsisimula, may babala na si Direk Jerrold Tarog kay Jane de Leon na mahirap ang daranasin niya sa pagiging Darna.
Ani Direk Jerrold, “Sinabi ko naman na mahihirapan siya sa physical na part ng training and willing na willing siya.”
Si Jane raw talaga ang nag-stand-out sa lahat ng 300 na nag-audition para sa iconic role.
Kuwento ni direk, “Ang dami kong bagay du’n sa script na hindi ko isinulat pero nasa utak ko lang. Tapos nu’ng ina-act out niya, ginagawa niya [‘yung mga nasa isip ko], magaling ‘yung instincts ng girl na ito, na-impressed ako ru’n pa lang sa audition. Nage-gets na niya na action siya combined with drama.”
Nakatutok ngayon ang mga mata ng madlang pipol sa young actress dahil sa laki ng responsibilidad na iniatang sa kanya ng Star Cinema, kung saan siya ang pumalit kay Liza Soberano bilang Darna na nauna na ring tinanggihan ni Angel Locsin.
Sa ngayon, trending sa social media ang mga litrato ni Jane de Leon noong nagsisimula pa lang siya sa showbiz bilang modelo. Makikita na malaki talaga ang iginanda niya kumpara noon.
Dahil sa mga litrato, maraming netizens ang nagulat at nagsasabing hindi sila makapaniwala na hindi natural ang beauty ni Jane. May mga nagsasabing nagparetoke ang young actress, kung saan medyo nag-iba ang kanyang ilong, pumuti at gumanda rin ang kanyang kutis kumpara noong una.
May pumuri rin sa pagbabago ng hitsura ni Jane dahil maganda raw ang pagpapagawa nito sa kanyang ilong na mukhang natural lang at hindi kagaya sa iba na nasobrahan.
May ilan din ang nagtanggol sa aktres at sinabing inilabas ngayon ang mga litrato para siraan ang bagong Darna dahil siya ang pumalit kay Liza Soberano.





Comments