Kaya huwag na huwag tayong mawawalan ng pag-asa na bukas ay may bagong umaga... TULONG PARA SA MGA N

PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA

MAHIGIT 140 na, marami pa ang naghihintay! Walang kasingsakit ang makita ang patuloy na deteryorasyon ng anak na pinalaki at pinagyaman sa pagmamahal, gayundin, sa pag-aalaga upang magkaroon ng mabuting kalusugan at mailayo sa kapahamakan. Kapag may ganitong pangyayari, lalo na at walang matuwid na dahilan upang anihin ng anak ang mapait na bunga ng gawang masama, hindi lamang nagnanais ang mga magulang na saluhin sa paghihirap ang mahal na supling kundi kanilang inaalam, iniimbestigahan at ipinaglalaban ang nararapat na makamtan nito.
Ganito ang naranasan at patuloy na pinagdaraanan nina G. Dionesio at Gng. Helyn Camonggay, ang mga magulang ng labing-isang (11) taong gulang na si Martha Camonggay. Sinabi ng mag-asawang Dionesio at Helyn sa bahagi ng kanilang salaysay hinggil dito: “Noong ika-18 ng Abril 2019, kami ay nagsimba at sa kalagitnaan ng misa ay sumuka si Martha. Dinala namin siya kaagad sa aming bahay at pinagpahinga. Tumamlay na ang aming anak noon na malaki ang ipinagkaiba sa dati niyang kakulitan. Kilala sa pagiging malikot ang aming anak, subalit, nang mga panahong ‘yun ay bigla na lamang siyang naging matamlay at nang dahil sa pagsusuka niya ay sinubukan namin siyang ipahilot”. “Noong ika-25 ng Abril 2019 ay muling nag-iba ang pag-uugali ng aming anak. Mula sa pagiging matamlay ay naging masungit siya at ayaw na niya nang maingay. Naging mainitin ang kanyang ulo at madaling makipag-away. Siya ay naging tuliro at kung anu-ano na ang pinagsasasabi, kaya napagdesisyunan naming mag-asawa na dalhin siya sa ospital.”
Ang mga pagbabagong ito sa kanyang ugali at pisikal na pangangatawan ay bahagi lamang ng malubhang sitwasyon ni Martha na humantong sa maaga niyang pagpanaw. Siya ay namatay noong Mayo 13, 2019 sa ospital sa Cebu City. Siya ang pang-isandaan at apatnapu (140) sa mga naturukan ng Dengvaxia, nakaranas ng senyales at common pattern of 4 serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism, neurotropism & increase in severity of dengue disease) na consistent sa Sanofi declaration of 4 identified and expected risks in its submission for authorization sa Food and Drug Administration (FDA) noong Disyembre 22, 2015 at namatay na sumailalim sa forensic examination ng Public Attorney’s Office (PAO) Forensic Team, pagkatapos hilingin ng pamilya ang serbisyo ng grupo para sa pumanaw na biktima. Binibigyan din sila ng kailangan nilang libreng serbisyo-legal ng PAO sa pangunguna ng inyong lingkod bilang angkop na tugon sa idinudulog nilang kahilingan.

Si Martha ay naturukan ng Dengvaxia noong Hulyo 15, 2017 sa kanyang pinapasukang eskuwelahan sa Mandaue City, Cebu. Noong Oktubre 18, 2018 ay nagsimula siyang makaranas ng pananakit ng ulo, tiyan at nagkaroon din siya ng lagnat. Siya ay nanghihina rin noon at dahil sa mga ito ay pumunta sila sa barangay health center sa Mandaue, Cebu na nag-refer sa kanila sa city health center upang doon ipasuri ang dugo ni Martha. Siya ay binigyan ng antibiotics. Gumaling ang kanyang lagnat, ngunit, pagsapit ng Nobyembre at Disyembre 2018 ay naging pasulput-sulpot ang pananakit ng kanyang ulo, tiyan at lalamunan. Kasabay nito ay nawalan na siya ng ganang kumain na naging sanhi ng kanyang pangangayayat. Palagi rin siyang umiinom ng malamig na tubig.
Pagsapit ng 2019, bukod sa mga pangyayari noong Abril 18 at 25, 2019 na nabanggit sa itaas, narito ang mga papalalang kaganapan sa kalusugan ni Martha na humantong sa kanyang agarang pagpanaw: Marso 19 - ilang sandali matapos ihatid ng kanyang mga magulang si Martha ay kaagad din siyang bumalik sa bahay dahil nagdurugo ang kanyang ilong. Tumigil din ang pagdurugo ng kanyang ilong nang siya ay nasa kanilang bahay na, subalit, siya ay nagreklamong muli ng pananakit ng ulo at tiyan; Mayo 1 - dinala ng kanyang mga magulang si Martha sa ospital sa Mandaue, Cebu. Siya ay isinailalim sa EEG ng nasabing ospital; Mayo 2 - inilipat si Martha ng ospital dahil sa kakulangan sa pera ng kanyang mga magulang. Sa pinaglipatang ospital sa kanya, siya ay nagwala at nakipag-away sa kanyang mga magulang at pati na sa kung sino ang nakatingin sa kanya sa hindi malamang kadahilanan. Dahil dito ay itinali siya sa kama ng ospital para hindi makapanakit sa sarili niya at sa ibang tao. Binigyan ng mga gamot si Martha na pampa-relax. Noong mga panahong nasa ospital si Martha ay nagsimula na siyang manghina. Hindi na siya makapagsalita at makalakad; Mayo 10 - hindi na makakita si Martha, hindi na rin siya kumakain at tumutugon kapag kinakausap at hindi man lang gumagalaw; Mayo 11 - tinanggal na ang kanyang pagkakatali dahil wala nang kibo si Martha at naninigas na ang kanyang katawan; Mayo 12 - sinubukang kunan ng sample fluid sa spine si Martha para masuri ito, pero, walang fluid na nakuha. Matapos nito ay nahirapan na siyang huminga at nilagyan na siya ng tube sa bibig para makahinga. Naging kritikal na ang kalagayan ni Martha; Mayo 13 (5:00 a.m.) - ginamitan si Martha ng pump para makatulong sa paghinga niya.
Sa panahong ‘yun, akala ng kanyang mga magulang ay gagaling na siya kaya nagdesisyon silang umuwi muna para bumoto sa eleksiyon. Pero, hindi na sila nakaboto dahil nakatanggap sila ng mensahe mula sa kanilang kapamilya na lumubha ang kalagayan ni Martha. Pagdating nila sa ospital ay hindi na nila inabutan pang buhay ang kanilang anak. Kinausap sila ng doktor kung gusto pa nilang magpa-autopsy para malaman kung bakit namatay si Martha, pero hindi sila pumayag.
Ang deteryorasyon ni Martha na nasaksihan ng kanyang mga mahal sa buhay ay naghahanap ng kapaliwanagan at sagot na naaayon sa lohika at siyensiya. Tulad ng mga magulang ng pareho niyang biktima, ang mag-asawang Dionesio at Helyn ay labis na nagtaka sa sinapit ng kanilang anak, samantalang, malusog at aktibo itong bata. Anila, sa bahagi ng kanilang salaysay na may kaugnayan dito: “Napakasakit para sa aming pamilya ang dagliang pagpanaw ng aming anak na si Martha. Noong hindi pa natuturukan ng Dengvaxia ang aming anak ay malikot siyang bata. Siya ay malusog at maliksing kumilos. Gustung-gusto niyang makipaglaro sa mga bata at para siyang guro ng mga batang ‘yun. Sinabi pa niya sa amin na gusto niyang maging sundalo paglaki niya. Wala siyang naging sakit at hindi kailanman nagkaroon ng karamdaman na may kinalaman sa sinasabi nilang sanhi ng kanyang pagkamatay.”
Ayon sa Certificate of Death ni Martha, siya ay “namatay dahil sa shock unspecified (immediate cause), viral encephalitis, (antecedent cause).” Hindi ito matanggap ng kanyang mga magulang dahil sa kanyang maayos na sitwasyong pangkalusugan bago naganap ang naturang pagbabakuna sa kanya. Anang mag-asawang Dionesio at Helyn: “Ang hindi namin maintindihan ay kung paano siya nagkaroon ng sakit na sinasabing naging sanhi ng kanyang kamatayan. Kabaligtaran ‘yun sa liksi niyang klase ng bata. Kami ay naniniwala na ang naging sanhi ng kanyang pagkamatay ay ang itinurok sa kanyang Dengvaxia na sinasabi nilang libre at bigay ng Department of Health (DOH). Ang tiwala namin sa DOH na mabibigyan ng proteksiyon ang aming anak ay biglang naglaho at napalitan ng pagdaramdam at galit dahil ang naging sanhi ng kamatayan ng aming anak ay ang sinasabi nilang proteksiyon niya.”
Sa pagkawala ng kanilang anak, nagpasya sila na lumapit sa aming tanggapan at sa inyong lingkod. Ang mga pangungusap sa ibaba, tulad ng mga nakasaad sa itaas, bagama’t, puno ng damdamin ay hindi nawawala sa katwiran. Taliwas ang mga ito sa sinasabi ng iba na drama lamang ang lahat ng ito.
“Sa lumabas na naging dahilan ng kanyang kamatayan ay hindi namin pinaniniwalaan. Nang dahil sa palaisipan sa amin at ng aming pamilya ang sanhi ng biglaang pagkamatay ni Martha ay napagdesisyunan naming humingi ng tulong kay Atty. Persida V. Rueda-Acosta upang isailalim sa Forensic Examination ang labi ng aming anak para aming malaman ang naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan. Hindi makatarungan na ang aming anak ay mamatay nang napakaaga, samantalang, sa buong siyam (9) na taon niya bago siya mabakunahan ay wala itong idinaraing na karamdaman sa amin at hindi pa siya naoospital bago naturukan. Dahil dito ay aming hinihiling na masampahan ng kaukulang kasong sibil, kriminal at administratibo ang mga taong responsable sa pagkamatay ni Martha.”
Sa mga kaganapan na may kaugnayan sa bakunang Dengvaxia, napakasakit na makarinig ng salitang drama. Ito marahil ay isa sa mga dahilan ng pagpaparamdam ni Martha. Ito ay kathang-isip ng mga nang-aalipusta sa mga biktima, gayundin, sa patuloy na nakikipaglaban para sa kanila. Huwag nating kalimutan na ang nangyari at patuloy na umiinog sa telon ng buhay sa kasong may kaugnayan sa Dengvaxia ay hindi drama kundi trahedya, ngunit, isang paalala na Dengvaxia lang ang bakuna na ipinagbawal na ng FDA na gamitin sa ating bansa, ang isyu sa mga kasong isinampa ng mga magulang ng mga nagkasakit at namatay na mga biktima laban sa mga isinasakdal — sa DOJ at hukuman sa Lungsod ng Quezon.
(Itutuloy)





Comments