SOKOR, DINALE SA JONES CUP, MIGHTY SPORTS, KAKAMPEON?
- Alvin Olivar
- Jul 18, 2019
- 1 min read

LUMALAPIT ang pag-asa ng Mighty Sports Philippines na makopo ang korona ng 2019 William Jones Cup pagkaraang talunin ang South Korea, 89-82, noong Martes sa Xinzhuang Gymnasium sa New Taipei City sa Taiwan.
Patuloy ang pamamayagpag ng koponan ng Pilipinas nang makuha ng Mighty Sports ang kanilang panlimang panalo sa pagkakadaig sa South Korea na nalasap ang kanilang unang talo matapos ang limang laro sa torneo.
Umiskor ng 19 points si Renaldo Balkman habang nagtala ng 17 points si McKenzie Moore para sa Mighty Sports. Nag-ambag din ng 16 points si Zachary Graham habang gumawa ng 14 points si Eugene Phelps. Nakabawi ang Mighty Sports sa huling quarter ng laro pagkaraang umiskor ng 29 points ang koponan habang 16 lang ang nagawa ng South Korea. Siyam na puntos lang ang nagawa ng Mighty Sports sa third quarter upang pumasok sa huling yugto ng laro na abanse ang South Korea, 66-60.
Samantala, magpapahinga ang Mighty Sports ng dalawang sunod na araw bago tatangkaing kunin ng Mighty Sports ang kanilang pang-anim na panalo sa kanilang laro kontra Indonesia sa Biyernes. Bago kakaharapin ang Mighty Sports ay makakalaban muna ng Indonesia ang Chinese Taipei Blue ngayong araw. Tangan ng Indonesia ang 1-3 kartada sa pagpasok nila sa laro kontra Chinese Taipei Blue na may 3-1 kartada.





Comments