MAGKAHIMALA SANA, CLARKSON ISINAMA SA GILAS PILIPINAS POOL

KASAMA sa pool ng Gilas Pilipinas para sa FIBA Basketball World Cup si Jordan Clarkson. Ito ay matapos ianunsiyo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang 19-man pool para sa kompetisyon noong Lunes.
Ayon kay Gilas Pilipinas coach Yeng Guiao, isinama si Clarkson sa pool sa posibilidad na ideklara siyang isang “local” ng FIBA. Kasama rin sa pool ang naturalized player na si Andray Blatche.
Hinahangad ng pamunuan ng SBP na makalaro si Clarkson bilang isang local na makakasabay ni Blatche. Sa kasalukuyan ay puwede lamang si Clarkson na maglaro bilang isang naturalized player.
“Nilagay na namin doon sa pool si Jordan Clarkson. We are still hoping that a miracle happens. But at the same time, it’s also a back-up plan, knock on wood, and I hope nothing happens and no harm comes to Andray but at least we have options on the naturalized players,” wika ni Guiao.
Kasama rin sa pool sina Japeth Aguilar, Raymond Almazan, Mark Barroca, Beau Belga, Robert Bolick, Poy Erram, June Mar Fajardo, Marcio Lassiter, Paul Lee, Gabe Norwood, CJ Perez, Roger Pogoy, Stanley Pringle, Kiefer Ravena, Troy Rosario, Christian Standhardinger at Matthew Wright.
Dumating noong Sabado si Blatche upang sumama sa preparasyon ng Gilas Pilipinas sa FIBA Basketball World Cup kung saan makakaharap nila sa group stage ang Serbia, Italy at Angola.





Comments