SBU RED LIONS ISINUNOD NA BIKTIMA ANG JRU

NAGING sapat ang maapoy na simula ng defending champion San Beda University upang mailigpit ang Jose Rizal University, 74-52, sa pagbabalik ng 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa FilOil Flying V Centre, Biyernes ng hapon.
Ibinuhos ng Red Lions ang unang 15 puntos ng laro at na-blanko ang Heavy Bombers ng higit anim na minuto para sa kanilang ikalawang sunod na panalo para umpisahan ang taon.
Nakuha ng San Beda ang unang quarter, 23-10, kung saan 10 puntos ang galing kay James Canlas Kwekuteye para tumbasan ang puntos ng buong JRU.
Hindi pa tapos ang Red Lions at sinimulan ang second half sa pagsabog ng 10 sunud-sunod na puntos, 55-31, at hindi na sila lumingon pa.
Parehong gumawa ng 17 puntos sina Canlas Kwekuteye at Calvin Oftana na nagdagdag din ng 10 rebounds. Sumunod si JB Bahio na may 11 puntos habang nagbigay ng 14 assists si Evan Nelle sabay gawa ng limang puntos.
Sa pangalawang laro, nagising ang Colegio de San Juan de Letran sa second half para lipulin ang season host school Arellano University, 81-72.
Maganda ang tinakbo ng Knights sa simula at lumamang agad, 36-25, ngunit biglang umasim ang laro nila at pinabayaan ang Chiefs na ipasok ang huling 15 puntos ng second quarter upang maagaw ang lamang sa halftime, 40-36.
Ito ang naging hudyat para kay kapitan Jerrick Balanza na buhatin ang kanyang Knights sa pamamagitan ng pagpasabong ng 23 ng kanyang 31 puntos upang tumamis muli ang shooting nila at mabawi ang lamang at lumayo nang husto papasok ng huling dalawang minuto, 79-67.
Malaki rin ang naitulong ni Jeo Ambohot sa 12 ng kanyang 15 puntos sa second half.
Sinundan siya nina King Caralipio at Renato Ular na parehong may walong puntos at Allen Mina na may anim na puntos para ma-regaluhan si Coach Bonnie Tan ng kanyang unang tagumpay bilang coach ng Letran.
Samantala, pumutok para sa 29 puntos at pitong rebounds ang Batang Gilas na si Rhayyan Amsali para ibigay ang tagumpay sa Red Cubs kontra Light Bombers, 99-80.
Nanalo rin ang Arellano Braves sa Letran Squires, 79-72, salamat kina Miguel Sahali, Rodman Templonuevo at Christopher Recto na parehong nag-ambag ng tig-14 puntos bawat isa.





Comments