OBIENA GOLD SA MEN’S POLE VAULT SA ITALY

SINUNGKIT ni Southeast Asian Games (SEAG) bound Ernest John Obiena ang kauna-unahan nitong gintong medalya sa isang pandaigdigang torneo matapos ang nakalipas na kompetisyon sa men’s pole vault ng World University Games sa Napoli, Italy.
Dinaig ni Obiena ang mga manlalaro sa iba’t ibang bahagi ng mundo sa pamamagitan ng pagkuha nito ng malupit na 5.76 metro para maungusan si Torben Blech ng Germany na nakakuha ng 5.51 metro lamang, habang ibinulsa naman ni dating 2017 European U23 champion Ben Broeders ang tansong medalya.
Ito ang unang beses na nagwagi sa isang world stage ang University of Santo Tomas trackster, matapos itong gumawa ng maraming record sa Pilipinas, habang binasag niya ang kanyang personal best sa Asian Athletics Championships na 5.71m sa Doha, Qatar nitong nakalipas na Abril.
Kinulang lamang ang 23-year-old pole vaulter ng 4cm para sa 5.80m qualifying mark para makapag-qualify sa Tokyo Olympics sa susunod na taon, kung saan kinakailangan nitong makuha ang nasabing rekord mula Mayo 1 ngayong taon hanggang June 29, 2020.
Susubukang muli ng UST engineering student-athlete na makuha ang nasabing qualifying mark sa World Championship sa Doha, Qatar sa Setyembre 27 hanggang Oktubre 6.





Comments