Malinaw ayon sa birthday... BABAENG NAKATAKDANG SUWERTEHIN SA NEGOSYONG TUGMA SA KANYANG PAGKATAO

Dear Maestro,
Naisipan kong sumangguni sa inyo upang alamin kung ano ang aking kapalaran, lalo na sa aspetong pampinansiyal. Isinilang ako noong September 2, 1979.
Gusto kong malaman kung masuwerte ba ako sa negosyo at kung may pag-asa ba akong yumaman?
Umaasa,
Jane ng Real, Cardona, Rizal
Dear Jane,
Alam mo para suwertehin ang tao sa negosyo anuman ang zodiac sign at birth date niya, ang unang tanong dapat ay ganito: “Sino ba ang makakasama niya sa nasabing negosyo?”
Sa katulad mong Virgo, mapalad ka sa mga kasama sa negosyo na may zodiac signs na Taurus, Capricorn, Libra at kapwa mo Virgo higit lalo silang may mga birth date na 5, 14, 23, 8, 17, 26, 1, 10, 19 at 28.
Ang pangalawang tanong ay ganito: “Ano ba ang nature o uri ng kanyang negosyo?” Ang pangatlong tanong ay ganito: “Matipid ba siyang tao o bulagsak? Mayabang ba siya o low profile sa lipunang kanyang ginagalawan?”
Sa mga inilahad na katanungan sa itaas, nangangahulugan lamang na susuwertehin ang tao sa negosyong kanyang pinasok kung ka-compatible niya ang mga taong makakasama niya sa kanyang negosyo.
Pang-apat, suwerte ba sa iyo ang negosyo o kalakal na ibinebenta mo? Halimbawa, kung ikaw ay under sa zodiac sign na Virgo, “earth o lupa” ang elementong tinataglay mo kaya ang dapat mong maging negosyo na may kaugnayan sa earth o lupa. Bukod sa “earth” ang iyong element, dapat mo ring isaalang-alang kung ano ang masuwerteng negosyo na ruling planet ng Virgo na Mercury?
Panlima, saang lugar ka dapat magnegosyo? Dahil may mga negosyong minamalas kapag mali ang lugar o puwesto ng kanilang business site habang madali namang pinagpapala ang negosyo kapag suweto sa lugar ang napuwestuhan o napuntahan niyang business site.
Ang pang-anim at pinakamahalaga sa lahat ay ang iyong “attitude” o ugali ng taong nagnenegosyo.
Kung mayabang ang nasabing negosyante, imbes na umasenso hindi lamang ang negosyo kundi maging ang buhay niya, lalo lang siyang mababaon sa mga pagkakautang. Tunay ngang marami pang bagay na dapat isaalang-alang upang mabatid kung ang tao ay susuwertehin sa negosyo.
Pansamantala, Jane, sundin mo ang “sure tips” na inilahad na sa itaas, makikita mo, kapag nasunod mong lahat ang mga nabanggit na diskarte, tiyak ang magaganap, sa susunod na taong 2020, sa edad mong 41 pataas, susuwertehin ka, uunlad at tuluy-tuloy ng sasagana sa kahit anong negosyong maisip mo hanggang sa tuluyan ka nang yumaman na nakatakdang mangyari sa taong 2034, sa edad mong 55 pataas.




Comments