LOGISTICS, PINISAK ANG MARINERA SA SUPERLIGA


DINEMOLIS ng F2 Logistics Cargo Movers ang Marinerang Pilipina, 25-7, 25-9, 25-19, upang kumpletuhin ang malinis na pagwalis sa unang round ng Philippine Superliga All-Filipino Conference kagabi sa Muntinlupa Sports Center. Ipinamalas ng Cargo Movers ang lakas nang pisakin ang newcomers sa unang dalawang sets bago nagpalamig sa ikatlong set at uminit muli para sa panalo sa prestihiyosong women’s club tourney.
Pinalakas ni Filipino-American Kalei Mau ang team sa bisa ng 10 kills at 2 aces para sa 12 puntos habang si Ara Galang ay may 10 puntos para sa Cargo na inasahan din ang impresibong performance nina Majoy Baron at Kianna Dy.
Nagpahayag ng katuwaan si Head coach Ramil De Jesus sa magandang ipinakita ng bataan niya sa first round kung saan sila pinahirapan, salamat sa pagdating sa team ni powerhitting Mau na lumipat sa F2 Logistics mula nang mawala ang United VC. “This is big for us. It’s a huge morale-booster for us as we head to the second round,” ayon kay De Jesus, na asam ang muling pagkopo ng All-Filipino title na naging mailap sa kanila sa nakaraang dalawang taon. “At least we saw the potential of our team whenever we play healthy. It shows that we can sweep a series of games.”
Kinailangan ng Cargo Movers na makaalagwa sa tikas ng Lady Skippers sa third set na pumatas sa 17-all bago umiskor ng anim na hindi naresbakang puntos para sa 23-17 spread. Nakaligtas sa 2 pang puntos ang Marinerang Pilipina, pero si Baron na ang nagbigay ng pamatay na puntos. (VA/MC)





Comments