Hindi lang ang kanilang pamilya ang nawalan kundi maging ang bayan... BUHAY NG MGA BIKTIMA NASAYANG
- Daing Mula sa Hukay
- Jul 12, 2019
- 6 min read

PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA

WALANG biktima na may kaugnayan sa bakunang Dengvaxia ang hindi ipinagluksa nang sukdulan ang sakit at pait ng pagpanaw, hindi lamang dahil sadyang may kaakibat na pagdadalamhati kapag may nalalagas na buhay kundi dahil matinding hirap ang inabot nila bago sila malagutan ng hininga. Kung sila ay may pinagdaanang torture, ganundin ang kanilang mga mahal sa buhay na hanggang ngayon ay hindi natutuldukan ang hapis dahil ang mga responsable sa kanilang pagpanaw ay nakaluklok pa rin sa trono ng kapangyarihan.
Ang mga magulang ng mga yumao ay patuloy ring nakararanas ng torture tuwing binabalikan nila ang alaala ng kanilang mga mahal na anak na dati ay punumpuno ng sigla at mga pangarap, ngunit, nang maganap ang trahedya kaugnay ng nasabing bakuna ay gumuho na ang bukal ng kanilang saya at pag-asa. Ganito ang nararanasan ng mag-asawang Leslie at Rowena Olarte, mga magulang ng yumaong si Trisha Janelle Olarte. Ani Leslie at Rowena sa bahagi ng kanilang salaysay hinggil dito: “Napakasakit para sa aming pamilya ang dagliang pagpanaw ng aming anak na si “Trisha Janelle”. Hindi namin akalain na babawian siya ng buhay sa murang edad. Si “Trisha Janelle” ay malakas, malusog at masiglang bata. Mahilig siyang mag-aral at may mataas na pangarap sa buhay. Panganay siya sa aming mga anak at napakabait nito kaya nakapanghihinayang na mawala siya nang maaga.”
Si Trisha Janelle, labing-apat (14) na taong gulang ay namatay noong Hunyo 20, 2019 sa ospital sa Marikina City. Siya ang pang-isandaan at tatlumpu’t siyam (139) sa mga naturukan ng Dengvaxia, nakaranas ng senyales at common pattern of 4 serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism, neurotropism & increase in severity of dengue disease) na consistent sa Sanofi declaration of 4 identified and expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) noong Disyembre 22, 2015 at namatay na sumailalim sa forensic examination ng Public Attorney’s Office (PAO) Forensic Team, pagkatapos hilingin ng pamilya ang serbisyo nila para s mga pumanaw na biktima. Binibigyan din sila ng kailangan nilang libreng serbisyo-legal ng PAO sa pangunguna ng inyong lingkod bilang pagresponde sa idinudulog nilang kahilingan.
Si Trisha Janelle ay naturukan ng Dengvaxia ng tatlong (3) beses. Siya ay unang nabakunahan noong Abril 19, 2016 sa kanyang paaralan sa Bulacan. Dahil lumipat ang kanilang pamilya ng tirahan sa Pililla, Rizal matapos ang kanyang unang bakuna ay doon sa nilipatan niyang paaralan sa Pililla, Rizal ipinagpatuloy ang pagbabakuna sa kanya ng Dengvaxia. Kaugnay nito, siya ay nabakunahan doon sa pangalawang pagkakataon noong Nobyembre 7, 2016 at pangatlong pagkakataon naman noong Hunyo 15, 2017.

Noong Oktubre 18, 2018, nagkaroon ng pang-unang mga pahiwatig na may hindi magandang nangyayari sa kalusugan ni Trisha Janelle. Siya noon ay nagkaroon ng lagnat, nagsuka, at nag-LBM. Dahil dito, dinala siya ng kanyang mga magulang sa ospital sa Morong, Rizal. Doon ay isinailalim siya sa iba’t ibang pagsusuri at base sa resulta ay maaaring may amoebiasis diumano siya. Matapos siyang i-rehydrate ay pinauwi rin siya at ang kanyang mga magulang ng doktor. Bumut naman ang kalagayan niya sa mga sumunod na araw. Gayunman, pagdating ng taong 2019, partikular ang mga buwan ng Marso at Abril, maliban sa lagnat ay nakaramdam ng pananakit ng binti at iba pang parte ng kanyang katawan si Trisha Janelle.
Narito ang espisipikong mga petsa at naramdaman niya ng mga panahong ‘yun: Marso 9, 2019 - pananakit ng kaliwang binti; Marso 10, 2019 – nagkalagnat din siya at nagpatuloy ito sa mga sumunod na araw; Marso 13, 2019- patuloy ang pananakit ng binti niya, kaya ipinahilot siya ng kanyang mga magulang. Bahagyang bumuti ang kanyang pakiramdam, pero nang mga sumunod na araw ay muling bumalik ang pananakit ng kanyang paa at ito ay naging pabalik-balik.
Ikalawang linggo ng Abril 2019 ay hirap na siyang maglakad (walang lakas ang kanyang mga paa at madalas siyang nakahiga). Pinainom siya noon ng B-complex na bitamina, pero hindi bumuti ang kanyang kalagayan. Nakaramdam siya ng pananakit sa ibabang bahagi ng kanyang likod at kasu-kasuan.
Huling linggo ng Abril 2019, nagka-stiff neck siya dahil sa mga nararamdaman niyang ito ay nagpasya ang kanyang mga magulang na dalhin siya sa klinika sa Siniloan, Laguna. Kung saan maputla, hirap maglakad at kailangang may umalalay sa kanya upang siya ay makatayo at kapag nakaupo siya, kailangang nakasandal siya sa unan dahil kapag wala siyang sasandalan ay nagrereklamo siya ng pananakit ng kanyang likod.
Noong huling linggo rin ng Abril 2019, nang napansin ng doktor na malakas at mabilis ang pagtibok ng kanyang puso ay iminungkahi sa kanyang mga magulang ng nasabing doktor na ipa-ultrasound ang thyroid ni Trisha Janelle. Subalit, dahil sa kakapusan sa pera ay hindi ito nagawa. Ang posibleng suliranin niya sa kanyang thyroid ay nasundan ng problema sa pag-ihi at pagdumi. Noong ikalawang linggo ng Mayo 2019 ay hindi na niya makontrol ang kanyang pag-ihi. Hindi rin naging regular ang kanyang pagdumi dahil nakadurumi lamang siya pagdaan ng mga ilang araw at minsan ay linggo. Nagreklamo rin siya ng pananakit ng kanyang bibig kaya naapektuhan ang kanyang pagkain.
Noong Mayo 15, 2019, dahil sa lumalalang kondisyon ni Trisha Janelle ay dinala siya ng kanyang mga magulang sa ospital, subalit, dahil sa kakulangan sa pasilidad ng nasabing ospital ay napilitan silang ilipat siya sa ibang ospital hanggang sa siya ay ma-admit noong Mayo 16, 2019. Siya ay isinailalim sa pagsusuri at base sa resulta ng mga ito, mayroon diumano siyang chronic anemia. Kinabukasan, Mayo 17, 2019 ay sinalinan siya ng dalawang (2) bags ng dugo. Madalas na nananakit ang buong katawan noon ni Trisha Janelle at hirap na hirap na rin siyang maglakad. Hindi na rin siya makakain nang maayos kaya siya ay nangayayat nang husto.
Noong Mayo 20, 2019 ay nag-seizure siya. Sinabihan ng doktor ang kanyang mga magulang na wala na siyang makita at dahil sa takot ng mga doktor na baka umakyat na ang infection sa ulo ni Trisha Janelle, iminungkahi ng nasabing mga doktor na isailalim siya sa MRI. Ito ay isinagawa noong Mayo 23 at 28, 2019. Ang resulta ay hindi na naipaliwanag sa mag-asawang Leslie at Rowena.
Pagdating ng unang linggo ng Hunyo 2019, ang mga sandaling ito ay tila nagbadya ng pamamaalam ni Trisha Janelle sa mundo ng mga buhay. Ang naranasan niyang maratay “in a state of comatose” at patuloy na pagkawala ng kakayahang makakita ay waring nagpahiwatig na tuluyan niya nang ipipikit ang kanyang mga mata. Narito ang bahagi ng salaysay ng kanyang mga magulang hinggil dito: “Noong unang linggo ng Hunyo 2019 ay nahihirapan nang huminga ang aming anak. Siya ay na-coma noong linggong ‘yun pero nagising din siya pagkalipas ng ilang oras, subalit, hindi pa rin siya makakita.”
“Noong ika-16 ng Hunyo 2019 ay namanas ang iba’t ibang parte ng katawan at kamay ng aming anak. Nagpatuloy ito sa mga sumunod na araw hanggang noong ika-19 ng Hunyo 2019 ay nawala ang pintig ng puso niya. Siya ay ni-revive ng doktor at naging matagumpay naman ito. Matapos noon ay nag-umpisa nang mangitim ang kanyang kanang paa. Naging kritikal na ang lagay ng aming anak noon at pagsapit ng alas-singko kuwarenta’y singko (5:45) nang madaling araw ng ika-20 ng Hunyo 2019 ay tuluyan nang pumanaw ang aming anak.”
Ang pumanaw na si Trisha Janelle at katulad niyang mga biktima ay bahagi ng yamang-tao ng bansa. Sa kasamaang-palad, hindi na nila higit na napagyaman ang kanilang mga kakayahan. Sa kanilang maagang pagpanaw hindi lamang ang kanilang mga mahal sa buhay ang nawalan kundi ang bayan.
Kasabay ng kanilang pagpanaw ang pagkawala ng yaman na nasa kanilang mga kakayahan na higit pa sanang nahubog at napaunlad upang ang mga bunga nito ay maihandog sa mga mahal nila sa buhay at sa mahal din nating bansang Pilipinas. Ngunit, higit sa kanilang mga katangian, hindi na kailangang sabihin pa na may mas higit pang nangingibabaw dito — ang kanilang buhay, ang walang katumbas na handog sa kanila at sa atin ng Maykapal.
Sa bawat pagpaparamdam ni Trisha Janelle, sana ay ating maalala hindi lamang ang kanyang naging kamatayan at ng katulad niyang mga biktima kundi ang kanilang buhay. Bagama’t ito ay hindi na maibabalik pa, nararapat lamang na patuloy na mabuhay ang halaga nila sa pamamagitan ng pagtamo para sa kanila ng hustisya. Dito ay maipamamalas natin ang ating walang katumbas na pagpapahayag ng pagmamahal sa kanila at pagbibigay kabuluhan sa nasakrispisyo nilang buhay.
(Itutuloy)





Comments