2ND TOURNAMENT NG D-LEAGUE, KASADO NA ANG MAY 14 NA TEAM

MAGKAKAROON ng pangalawang torneo ang PBA D-League sa taong ito. Inaasahan na 14 o 13 koponan ang lalahok sa 2019 Foundation Cup ng pangunahing liga ng amateur sa bansa sa Hulyo 25 sa PacoArena.
“Noong patapos na ang first conference, maraming team ang nagtanong o naghanap ng second conference, kaya nagpasya ang PBA na ibigay ang kanilang hiling,” paliwanag ni Roscelle Teotico ng PBA sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Amelie Hotel Manila. Ang Cignal-Ateneo de Manila University ang itinanghal na kampeon ng first conference noong Hunyo 25 pagkatapos ng seryeng best of five kontra Centro Escolar University, 3-1.
Hindi lalahok ang Cignal, pero tiyak na sasali ang CEU kasama ng mga kapwa school-based teams na AMA Online Education, Sumisip-Saint Clare College, McDavid-De La Salle Araneta University, Nail Talk-Saint Dominic Savio College at Technological Institute of the Philippines.
Pito ang purong commercial club sa pangunguna ng nagbabalik na Marinerong Pilipino, Alberei Kings-Zamboanga, Italianos Homme Shoes, Hyperwash Laundromat, Sterishred Medical, iWalk Chargers at Hazchem habang patuloy ang negosasyon para sa ika-14 na sasali.
Ayon kay tournament director Mauro Bengua, hindi nagkakalayo ang format ng second sa first conference at hahatiin ang mga koponan sa dalawang pangkat. Susundan ng playoffs na inaasahang matatapos sa Oktubre.
Para kina Coach Gabby Velasco ng CEU at Coach Sebastian “Potit” De Vera ng TIP, wala sila ng nakikitang problema sa collegiate league na Universities and Colleges Basketball League (UCBL). “Sa Setyembre ang simula ng UCBL so, tatamaan lang nito ang huling buwan ng D-League kaya maga-adjust na lang kami,” ani De Vera.





Comments