top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

PHL BILLIARDS TEAM, NAKATAKDANG MAGPAKABOG SA WORLD 9-BALL

Eddie M. Paez, Jr.
Jul 11, 2019
2 min read

NAKARARAMDAM ng kaba ang sinumang sasabak sa mesa kaharap ang isang bilyarista mula sa Pilipinas, pero isang katotohanang ay wala pang Pinoy ang nakaaakyat sa trono ng world men’s 10-ball championship.

Taliwas ito sa kasaysayan sa kababaihan dahil dalawang beses nang napagreynahan ni Rubilen Amit ang distaff side at ito ay nasaksihan noong 2009 at 2013. Ngayong buwang ito ay magkakaroon ng pagkakataon ang bansa na matuldukan ang tagtuyot na ito sa tulong nina Carlo Biado, Johann Chua, Warren Kiamco, Zoren James Aranas at Jeffrey Ignacio kapag sumargo na ang 2019 World 9-Ball Championship simula ngayong Hulyo 27 sa Rio All Suites Hotel and Casino ng Las Vegas, Nevada.

Umaasa ang Pilipinas na makakasakay ito sa momentum ng mga podium performances na naiposte kamakailan ng mga de-kalibreng cue artist sa paligsahang nilimitahan lang sa 64 na mga piling manunumbok mula sa world rankings at mula sa iba’t-ibang qualifying tournaments.

Ilang araw pa lang ang nakalilipas, nasukbit ng Pilipinas ang pangalawang puwesto sa World Cup of Pool 2019 na ginanap sa United Kingdom. Tambalan nina Biado at Jeffrey De Luna ang nagbigay sa bansa ng karangalan. Sa kasalukuyang taon din nang isang 2-3 wind-up ng mga Pinoy na sina Biado at Chua ang nasaksihan sa World Pool-Billiard Association (WPA) Players Championship. Bukod dito, ang WPA no. 3 na si Biado rin ang pumangalawa sa nakalipas na World 9-Ball Championship sa Doha, Qatar.

Sa kabilang dako, ang kumpiyansa ni Kiamco ay hinuhugot mula sa pagkopo nito ng titulo sa 2019 US Open One Pocket sa pamamagitan ng pagdaig sa pambato ng US na si Shane Van Boening noong Hunyo.

Si Aranas ay bitbit ang kinang ng apat na titulong nasikwat mula sa SBE Players’ Championship, Barry Behrman Memorial, Beasley Custom Cues 9-Ball Open at sa Predator Pro-Am Tour kung saan nakuha niya ang tiket papunta sa World 10-Ball Championship.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page