top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

ARDINA,TOP 15; GUCE NASA 69TH PLACE NG LPGA CLASSIC

  • Eddie M. Paez Jr.
  • Jul 9, 2019
  • 2 min read

TINAPOS ng Pinay golfer na si Dottie Ardina ang serye ng mapaklang kampanya nito sa unang taon sa Ladies Professional Golf Association sa pamamagitan ng isang final round na 6-under-par 66 paakyat sa isang top 15 finish sa 2019 Thornberry Creek LPGA sa Thornberry Creek at Oneida-Legends Championship Course ng Wisconsin.

Umusok ang back nine score card ng Pinay dahil sa mga birdies niya sa hole numbers 3, 6, 8 at 9 at tatlong karagdagang birdies sa pang-10, 12 at 15 butas.

Naging mainam itong pangontra sa nag-iisang bogey (hole no. 5) ng pambato ng Laguna na pumangalawa sa 2018 Symetra Tour Moneyboard.

Dahil sa naunang rekord na 68, 67 at 67, ang round 4 output ni Ardina ay nagbigay sa kanya ng kabuuang 20-under-par na 268 sa paligsahang umakit ng 140 lady golfers, pero kinalos ang 70 sa kanila sa kalagitnaan ng bakbakan dahil sa mapaklang iskor.

Halatang hindi pa rin masaya si Ardina sa kabila ng pag-uuwi niya ng $25,166 mula sa torneo dahil alam niya na malaki pa ang puwedeng iangat ng antas ng laro niya.

Isang taktika na gagamitin ng dating premyadong jungolfer ng Pilipinas sa mga susunod na paligsahan ay ang “one hole at a time” na mindset.

Sa kabila nito, ito na ang pinakamainit na performance ni Ardina ngayong taon dahil bukod sa unang pagkakataon niyang nakapasok sa top 20, ito rin ang unang beses na kumartada siya ng average na mas mababa pa sa 70 (67 strokes) sa isang LPGA tournament.

Bago rito, noong Pebrero pa niya nairehistro ang pinakamataas na puwesto sa LPGA (pang-47 sa Lotte Championship).

Samantala ang Fil-Am entry na si Clariss Guce, isang LPGA Rookie at anak ng dating sikat na Pinoy horseracing jockey, ay kumain ng alikabok at napaupo lang ito sa pang-69 na baytang ng bakbakang dinomina nina Shanshan Feng ng China (29-under-par 259) at Thai gem Ariya Jutanugarn (28-under-par 260).

Muling sasabak sina Ardina at Guce sa susunod na LPGA event (Marathon Classic) sa susunod na Linggo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page