BASILAN CTC, KAMPEON SA 3RD LEG NG 3X3 PATRIOTS’ CUP

NAKAMIT ng Phenom Basilan CTC Construction ang kampeonato sa ikatlong yugto ng Chooks-to-Go Pilipinas 3X3 Patriots’ Cup na handog ng Coca-Cola matapos talunin ang Wilkins Balanga, 21-16 sa SM Center Muntinlupa, Sabado ng hapon. Kakaibang laro ang pinamalas nina Franky Johnson, Troy Rike, Gab Dagangon at import Marcus Hammonds para mauwi ang P100,000.
Nagpaulan si Johnson ng limang dos, kasama ang huli na nagwakas sa laban na may 1:36 na nalalabi. Huling naitabla ng Balanga ang talaan, 13-13 pero, ipinasok nina Hammonds at Rike ang mga puntos na nagpalayo muli sa Basilan bago tuluyang uminit ang mga kamay ni Johnson.
Si Rike ay nagsilbing bayani sa tagumpay ng Basilan sa semifinals kontra sa VetHealth Delhi 3BL ng India, 22-20, kung saan ipinasok niya ang pampanalong dos na may 20 segundong nalalabi. Nagtrabaho rin ng husto ang Balanga bago wakasan ang torneo ng Max4-Birada Cebu, 21-18, na nakapasok sa semifinals sa unang pagkakataon.
Sa elimination round, winalis ng Basilan ang Grupo D sa pamamagitan ng dalawang tagumpay sa guest team Gold’s Gym-Muntinlupa, 21-14 at Inoza-Gulf Supreme Bulacan, 21-20. “I was hurt a bit after I failed to join my teammates in China last week but I used that as a motivation to do my best and win the championship,” wika ni Johnson.
Kahit baguhan sa liga, nakapasok ang Basilan sa kampeonato sa unang dalawang yugto pero, nabigo rin sila ng dalawang beses. Dumapa sila sa Gold’s Gym-Pasig sa SM Seaside Cebu noong Hunyo 23 at sa India noong Hulyo 6 sa SM City Fairview. Ito ang nagsilbing susi para anyayahan ang Basilan na lumahok sa FIBA 3X3 Challenger sa Kunshan subalit, hindi nakasama sa biyahe si Johnson dahil sa suliranin sa kanyang visa.
Sa side events, nagtala ng grand slam o tatlong sunud-sunod na kampeonato si Kiran Shastri ng India sa Two-Point Shootout. Inaliw ni David Carlos ang mga manonood sa kanyang panalo sa Slam Dunk Contest.
Ang ika-apat at susunod na yugto ng Patriots’ Cup ay gaganapin sa SM Megamall sa Hulyo 13. Tiyak na lalong hihigpit ang mga laro patungo sa huling yugto sa Hulyo 27 sa SM Megamall din at dito rin malalaman kung saang koponan mapupunta ang P1-M gantimpala.





Comments