Sanay na raw… GERALD, NAGSALITA NA SA PAGIGING THIRD PARTY SA RELASYON NINA JULIA AT JOSHUA
- BULGAR

- Jul 7, 2019
- 2 min read

HINDI na ikinagulat at nakaapekto kay Gerald Anderson na siya ang itinuturong third party sa hiwalayang Julia Barretto at Joshua Garcia.
Nagkasama sina Gerald at Julia sa pelikulang Between Maybes kung saan kinunan ang ilang mahahalagang eksena sa Japan. Mukhang ito ang pinagbasehan ng kumalat na tsismis na may ‘something special’ na nangyari sa kanila ni Julia sa shooting.
Biro nga sa amin ni Gerald, hindi pa ba kami nasanay? Siya raw kasi ay sanay na sa tagal na rin niya sa industriya.
Ayon din sa aktor, wala silang komunikasyon ni Julia at mas mabuting bigyan ng privacy ang aktres at si Joshua dahil mahirap din ang pinagdaraanan ng dalawa.
Sa ngayon, ang pokus ni Gerald ay ang pagiging positibo, kung paano mag-move forward at sa dami na rin ng ginagawa niya ay wala na siyang panahon pa para intindihin ang mga ganitong isyu.
Samantala, masaya at kuntento si Gerald sa magta-tatlong taong relasyon nila ni Bea Alonzo. Ayon nga kay Ge, exciting, maraming aral at marami siyang natutunan sa kasintahan pagdating sa pakikipagrelasyon.
Papuri pa ng aktor sa girlfriend, alam ni Bea kung ano ang gusto nito, very matured at team work ang relasyon nila.
Isa rin si Gerald sa mga excited sa lumabas na mga larawan nina Bea at John Lloyd Cruz sa online kung saan nagkita ang dalawa sa Palawan at pumirma rin ang mga ito ng kontrata sa Turks kasama si Piolo Pascual bilang mga endorsers.
Kuwento ni Gerald, matagal na niyang alam ang tungkol sa endorsement ng dalawa at tulad ng hiling ng iba, isa rin siya sa mga nag-aabang na gumawa uli ng pelikula sina Bea at Lloydie.
Pagbabalik-tanaw nga ng Kapamilya actor, fan siya ng Bea-John Lloyd movie kung saan pinanood niya sa sinehan ang pelikulang Now That I Have You at ito ang kauna-unahang pelikulang Tagalog na pinanood niya.
Sa ngayon ay abala si Gerald sa taping ng serye na tumatalakay sa buhay ng mga militar kasama sina Carlo Aquino, Jerome Ponce at Nash Aguas.
Saludo nga si Gerald kay Matteo Guidicelli na gumradweyt bilang Scout Ranger kamakailan dahil ito pala ang karakter na ginagampanan nila sa pinagbibidahang serye. Hindi raw ito biru-biro at para kay Gerald, ang training na pinagdaanan ni Matteo ay ang pinakamahirap sa lahat sa buong Pilipinas kaya bilib siya rito.
Bukod sa pagiging artista ay isa ring athlete si Gerald kaya’t bagay na bagay sa kanya at swak sa lifestyle niya ang pagiging endorser ng Skechers. Dahil pangungunahan niyang muli ang Skechers Performance 2019 sa Agosto, tinanong namin si Gerald kung iimbitahin ba niyang tumakbo si Bea.
Agad na umoo ang aktor lalo’t alam niya kung gaano rin kahilig mag-ehersisyo ang kasintahan.





Comments